EWAN ko ba kung bakit pati paggagawad ng National Artist Award ay napupuno ng kontrobersya at pamumulitika. Ang pulitika at sining ay magkaiba ang kahulugan. Kasing-layo ng itim sa puti o nang pangit sa maganda.
Ayaw ko sanang isiping nadaraan sa palakasan ang pagtanggap ng ganitong mataas na parangal. Kaso, klasikong halimbawa ang parangal na ibinigay sa debuhista, nobelista at movie director na si Carlo J. Caparas na mistulang nasilat dahil sa temporary restraining order na inisyu ng Korte kaugnay nito. Kaya hayan. Kung kailan nasa bingit ang buhay ng isang taong karapat-dapat tumanggap nito, saka pa nahahadlangan dahil sa iisang kaso. Pambihira.
Pati ang mga mambabatas ay napagkakamalang kumukuha lang ng atensyon ng bayan dahil ipinagsisiga-wang dapat nang bigyan ng parangal ang King of Comedy. Hindi naman. Talagang nagmamalasakit lang marahil sila dahil hindi matatawaran ang kontribusyon ni Dolphy sa lara-ngan ng sining sa bansa, partikular sa pelikula at telebisyon.
Sa Kamara de Representante, umaasa si Minority leader Danilo Suarez na maibibigay na kay Dolphy ang titulong national artist dahil mayroon nakahain na resolusyon sa Kamara. Aniya noon pang Nobyembre 2010 niya inihain ang resolusyon.
Sa ganang akin, ang titulong pambansang alagad ng sining ay hindi maigagawad ng alinmang institusyon dahil ang kumikilala sa isang artista ay ang taumbayang humahanga sa kanya. Hindi man tumanggap ng tropeo si Dolphy, sa puso ng taumbayan ay nakatatak na ang kanyang pangalan at hindi mabubura.
Iisa lang ang Dolphy at sa nakikita ko sa showbiz, wala pang nakapapantay sa estado niya bilang King of Comedy. Makita pa lang ang mukha niya ay matatawa ka na kahit hindi siya pangit dahil natural comedian ang taong ito.
Kaya ang sinasabing hin di maigawad ang award dahil sa TRO kay Caparas ay isang kalokohan. Wika nga “kung gusto may paraan. Kung ayaw laging may dahilan.” Sa Inggles “if there’s a will, there’s a way.”