^

PSN Opinyon

Editoryal - Dumadami ang mga batang manggagawa

- The Philippine Star

NASA 5.49 milyon ang mga batang manggagawa sa bansa. Karamihan sa kanila ay nagtatrabaho sa bukid, minahan, asinan, pabrika, construction at may nagbebenta ng “laman”. Nasa edad lima hanggang 17 ang mga batang manggagawa. Karamihan sa kanila ay dating nag-aaral subalit dahil sa kahirapan ng buhay, napipilitan silang tumigil para tulungan ang kanilang mga magulang sa paghahanapbuhay. Masakit man sa kanilang kalooban, kailangan nilang magbanat ng buto para magkaroon ng laman ang kanilang sikmura. Ayaw man nilang tumigil sa pag-aaral, wala silang magawa sapagkat mamamatay sila sa gutom pati ang kanilang pamilya.

Ayon sa National Statistics Office (NSO), mula lima hanggang siyam na taong gulang ay nag-aaral pa ang mga bata (mga 90 percent) subalit habang tumatagal ay nababawasan na ang kanilang bilang. Pagdating ng edad 15 ay 50 percent na lamang ang nasa school. Iba’t ibang trabaho na ang kanilang pinapasok para matulungan ang mga magulang at para magutom.

Ayon sa International Labor Organization, dahil sa maagang pagsabak ng mga kabataan sa pagtatrabaho, ninanakaw ang kanilang karapatan na mamuhay nang normal bilang mga bata. Nawawala rin ang kanilang dignidad at potensiyal. Bumabagsak sila sa pagiging alipin, maaagang nawawalay sa kanilang mga magulang at nalalantad sila sa panga­nib ng pagkakasakit. Ang masama pa, marami sa kanila ang nasasadlak sa masamang gawain. Dahil iba’t ibang uri ng tao ang kanilang nakakasalamuha, naaakit o naiimpluwensiyahan sila na gumawa ng masama. Ang ilan sa mga kabataang babae ay nasasadlak sa prostitusyon. Nakakasanayan na nila ang ganoong klase ng trabaho na madaling kumita ng pera.

Kahirapan ng buhay ang ugat kaya parami nang parami ang mga batang manggagawa. Ilang admi-nistrasyon na ang nagdaan subalit ang problema sa child labor ay hindi nabawasan kundi dumami pa nga. Nararapat alamin ng gobyerno ang mga lugar sa bansa na maraming batang manggagawa at tulungan silang makaahon sa pagka-alipin. Bigyan ng trabaho ang kanilang mga magulang para hindi ang kanilang mga anak ang magbanat ng buto. Ang mga bata ay nararapat sa eskuwelahan.

AYAW

AYON

BIGYAN

BUMABAGSAK

DAHIL

INTERNATIONAL LABOR ORGANIZATION

KANILANG

KARAMIHAN

NATIONAL STATISTICS OFFICE

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with