SIGURADONG barko ng China ang bumangga sa fishing boat ng mga mangingisdang Pinoy sa hilagang bahagi ng pinag-aagawang Scarbo-rough Shoal o Panatag Shoal. Sino ba ang umaastang maton sa West Philippine Sea kundi ang China? At tiyak na binangga nga nila intentionally ang fishing boat ng mga Pinoy sapagkat makaraan iyon ay wala man lang tumulong sa mga nasugatang mangingisda. Ang masakit, isa ang namatay, tatlo ang nasugatan at apat pa ang nawawala sa nangyaring pagbangga ng Chinese vessel. Nangyari ang pagbangga noong Miyerkules malapit sa Bolinao, Pangasinan, pero noong Sabado lamang nahayag ang pangyayari.
Sa lakas nang pagkakabangga, lumubog ang bangkang pangisda na walong Pinoy ang sakay. Na-rescue ang apat at ang isa nga ay namatay sa Gabriela Silang General Hospital sa Vigan City. Ayon sa report, ang namatay na mangingisda ay nakilalang si Christopher Carbonnel, 32, taga-Bolinao, Pangasinan. Hanggang sa kasalukuyan, ang apat nilang kasamahan ay hindi pa natatagpuan. Ayon sa tatlong nakaligtas, isang Chinese vessel umano ang bumangga sa kanilang bangka. Nakatitiyak umano nila na barko ng China iyon.
Lumulubha ang sitwasyon sapagkat mayroon nang isang namatay. Hindi pa ba kikilos ang pamahalaan sa nangyayaring ito? Kamakailan, hinirang ni President Aquino si Sonia Brady na bagong ambassador ng Pilipinas sa China. Ano kaya ang ginagawa niyang hakbang sa pangyayaring ito? Nararapat nang maghain ng mga kaukulang reklamo o demanda sa pagmamalabis at paghahari-harian ng China sa lugar na teritoryo ng Pilipinas.
Hindi kaya dumating ang panahon na wala nang pagkunan ng isda ang mga Pilipino sapagkat inokupa na ng mga Chinese ang hindi kanila? Sa nangyari, maaaring hindi na mangisda ang mga Pinoy sa dakong iyon sa takot na banggain uli sila ng Chinese vessel.
Ngayon higit na kailangang palakasin ang Phi-lippine Navy para mabantayan ang teritoryo at pati na rin ang mga Pinoy na naghahanapbuhay. Haha-yaan na lang ba ang China sa ginagawa nila?