Lumipat ng bahay si Dadong Matinik
Dahil sa ang Diyos ay lubhang mabait;
Kaming mag-asawa ay Kanyang ninais
Na lumipat kami sa Lunsod ng Taguig!
Sa bagong tahanan kami ay kasama
Ng bunso kong anak at kanyang asawa;
May apat na anak, isa ay sanggol pa
Maligaya kami kahit matanda na!
Ang lupa ko’t bahay doon sa San Pedro
Ay nilisan muna’t titira na dito;
Sampaguita Village na lubhang mahal ko -
Laging dadalawin habang ako’y ako!
Sa Knights of Columbus at Senior Citizens
Ako’y ituring n’yo na kasapi pa rin;
Malayo man ako sa inyong paningin –
Sa puso ko’t diwa kayo’y tanging giliw!
Nang kami’y lumipat sa bagong tahanan
Si Mayor Cataquiz at ang kanyang ginang;
Pati si Aaron, anak nilang hirang
Sa paglipat-bahay kami’y tinulungan!
Ang hindi nagbago sa buhay ni Dadong –
Pagsulat ng tula sa P. Star NGAYON;
At sa PM, isa pang Star publication
Thank you kay Sir. Miguel at kanyang editors!
Ito’y pinaksa ko sa pitak na ito
Upang malaman lang ng mga barkada ko;
Ito’y pasalamat sa Diyos ng mundo’t
Isa sa maraming sa Kanya ay samo!
Sa gabi at araw ako’y nagdarasal
Di lang pansarili – pati na ang bayan;
Mga kapitbahay, mga kaibigan –
Kabilang sa hangad gumanda ang buhay!
At tulad ng ibang nasa media ngayon
Mga dinarasal panghabampanahon;
Ang mga nasawi dahil sa propesyon
Hustisya’y makamit ngayong term ni P-Noy!
Sapagka’t kung hindi’y kailan pa kaya
Mabibigyang wakas ang mga pagluha?
Ah, marami silang pinatay na bigla
Ni walang ataul nabaon sa lupa!