Ingat sa kontaminadong herbal cough medicines
(Last part)
KAHIT sa mga progresibong bansa sa Europa na laganap ang paggamit ng herbal medicines ay mayroon ding mga lumalabas na issues sa safety ng herbals. Pinapaalalahanan din doon ang mga tao na maging maingat, at huwag basta inom nang inom lalo na kung mayroong iniinom na maintenance medicines. Hindi lahat ng natural ay safe. Iba-iba ang mga pasyente. At sabi nga nila, hindi lahat ng dahon ay pare-pareho. May pagkakaiba ang panga-ngailangan ng mga tao.
Di tayo dapat basta basta nakikinig sa mga kapamilya, kumare/kumpare o kapitbahay tungkol sa kanilang iniinom na mga gamot. Ang kay kumare ay maaaring di pwede sa iyo sapagkat iba-iba ang pangangatawan ng tao. Kung gusto nating malaman kung ano ang tama, magtanong tayo sa mga doktor o kaya mga pharmacists sa mga botika. Libre po ang magtanong sa pharmacists tungkol sa mga nararapat na gamot para sa inyo, tamang dosage or alternatibo, pati na rin sa kung ano ang mga bawal na mga pagkain, supplements o gamot para sa umiinom ng maintenance medicines.
Ayon kay Dean Yolanda Robles, dating Dean ng University of the Philippines College of Pharmacy, mayroon palang tinatawag na Good Agricultural Practices. Para sa mga herbal companies, hindi sapat na masuri lang sa laboratoryo ang isang batch ng mga gamot, sapagkat ang bawat ani ng mga halamang gamot ay iba-iba. Kailangang masuri ang lupa, tubig, temperatura, moisture content at kahit na ang oras ng pag-ani ng halaman sapagkat mayroong palang takdang oras kung saan ang active ingredient ng isang halamang gamot ay mataas. Ito’y nagpapatunay lamang na hindi simpleng pipitas ka lamang ng halaman upang gumawa ng gamot. May siyensiya at dapat ay talagang eksperto ang paggawa nito.
Bilang isa sa mga naniniwala sa halamang gamot, nais kong gabayan ang ating mga mamamayan sa kanilang kalusugan. Kaya naman hindi ako mag-aatubili na maging maingay sa usaping pangkalusugan lalo na kung ito ay may panganib na idudulot sa mga kapwa nating Pilipino. Nawa’y tumugon ang mga kumpanya sa hamon ng gobyernong sundin ang mataas na kalidad ng manufacturing practices upang maging maunlad ang ating lokal na industrya at makilala sa mundo.
- Latest
- Trending