Editoryal - Bawiin ang korona sa pamamagitan ng KO
SI boxing champ Manny Pacquiao ang nanalo laban kay Timothy Bradley. Ito ang kinumpirma ng limang opisyal ng World Boxing Organization (WBO) noong Huwebes. Limang judges ang nagsagawa ng pagrebyu sa laban at ang lumabas, panalo si Pacquiao. Ang score ng Judge 1 ay 117 (Pacquiao) at 111 (Bradley). Ang Judge 2 ay 117-111. Ang Judge 3 ay 118-110. Ang Judge 4 ay 116-112 at ang Judge 5 ay 115 at 113.
Noong maglaban sina Pacquiao at Bradley noong Hunyo 10 ang score ng tatlong judges na sina Duane Ford, 113-115; C.J. Ross, 113-115 at Jerry Roth 115-113. Talo si Pacquiao!
Shock ang marami sa desisyon. Dinaya raw si Pacquiao. Napasok daw ng Mafia ang boxing. Paraan lamang daw ang pagkatalo ni Pacquiao para subaybayan ng mga tao sa mga susunod. Kung hindi raw ipatatalo si Pacquiao, malulugmok ang mga sugarol at mawawalan ng kinang ang pagdaraos ng boksing sa lugar. Mula umano nang si Paquiao ang sunud-sunod na manalo, malaki ang iniunlad ng boksing sa MGM grand arena. Laging puno ang mga tao para mapanood ang Pinoy champ.
Sa kabila naman ng pahayag ng WBO na si Pacquiao ang nanalo, sinabi naman ng boxing hero na hindi niya babawiin ang welterweight crown. Maski raw ibigay ni Bradley kay Pacquiao ang crown ay hindi nito tatanggapin. Kung gusto raw ng WBO, ibakante na lang ang welterweight division.
Tama naman ang desisyon ni Pacquiao na huwag tanggapin ang belt. Ang mas dapat ay magkaroon sila ng rematch at sa pagkakataong iyon ay siguruhin ni Pacquiao na ina-knockout niya si Bradley. Kailangang mapatulog niya si Bradley para hindi na maging mahirap pa sa mga hurado ang magbigay ng desisyon. Kung matutulog si Bradley, iyon ang tamang panahon para makuha ang korona. Mas masarap ang panalo sa ganitong paraan. Kung matalo naman ni Bradley si Pacquiao, ito na ang tamang panahon para isabit ng people’s champ ang kanyang mga glab.
- Latest
- Trending