3 Kings
TATLONG kaharian: Pulitika, Pelikula, Palakasan. Tatlong pinakapublikong propesyon. At ang mga personalities na umabot sa tugatog nitong kanilang larangan – Chief Justice Renato Corona, World Boxing Champion Emmanuel Pacquiao, Comedy King Rodolfo Quizon. Ang kani-kanilang buhay ay binuksan sa mapanuring mata ng bayan at nag-iwan ng bakas sa kaluluwa ng lipunan. Mga elemento ng trahedya, iskandalo, redemption – lahat mahahanap sa kuwento nitong tatlong hari.
Sa ngayon ay alam na ng lahat ang kuwento ng dating napaka-pribadong buhay ni Chief Justice Rene Corona. Inabot niya ang pinakamatayog na posisyon sa Hudikatura subalit sa pagpatalsik sa kanya’y dinanas ang walang kaparis na kahihiyan. Sa umpisa’y hindi ito kilala – sa lahat ng puwesto sa pamahalaan, ang hukuman ang pinakatago sa publiko. Kung walang iskandalo, walang pakialam ang tao. Nang malaman ang katotohanan ay hindi naging mahirap na ito’y husgahan dahil wala rin namang naunang magandang puhunan sa puso at isip ng bayan.
Si Manny Pacquiao naman ay bukas na bukas ang kuwento ng buhay. Di tulad ng nasa serbisyo publiko, ang mga atleta ay pribadong tao. Ang interes lang dapat ng tao ay ang kanilang performance sa kanilang sport. Subalit dahil sa kanyang makulay na personalidad ay ginusto na rin nating maging bahagi ng reality show ng kanyang pang-araw araw na buhay. Si Manny ay natalo sa kanyang pinakahuling sagupaan sa ring. Dapat lang ay bumaba ang estimasyon sa ating mga mata. Subalit dahil sa pinamalas nitong mahinahon at taas-noong pagtanggap sa kanyang pagkatalo, higit itong hinangaan at minahal ng kapwa Pilipino.
At sa huli si Dolphy. Pag-aari rin ng publiko dahil ang pinilakang tabing ay binubuhay din ng suporta ng manunood nito. Ang magkakambal na maskara ng trahed-ya at komedya na simbolo ng buhay artista ay naging isa sa pagkatao nitong maestro ng pelikula. Ilang henerasyon na ang pinatawa at pinaiyak ni Dolphy. Habang may pagkakataon pa ay nais kong ipaabot ang aking pasalamat sa iyo Mang Pidol – thank you for the memories.
- Latest
- Trending