PABORITO kong alamat Hapon ay tungkol sa binatang mangingisdang si Urashima Taro. Isang araw habang nangangawil, namataan niya ang mga bata na sinasaktan ang maliit na pagong. Inagaw ito ni Taro at maingat na ibinalik sa tubig. Kinabukasan nilapitan siya ng higanteng pawikan, na nagsabi na ang pagong na sinagip niya ay anak na dalaga ni Ryujin, Hari ng Dagat. Iniimbita siya ni Ryujin sa palasyo upang mapasalamatan. Kinabitan ng pawikan si Taro ng hasang, at sumisid sila sa ilalim ng dagat. Doon nakilala ni Taro ang hari at ang dating maliit na pagong, na ngayo’y napakarikit na prinsesang si Otohime.
Tatlong araw nalibang sina Taro at Otohime sa pamamasyal sa dagat. Pero naalala ni Taro ang inang sakitin sa tanda. Nagpaalam siya kay Otohime na uuwi na. Nalung- kot si Otohime, pero naiintindihan niya si Taro. Niregaluhan niya ito ng mahiwagang kahon. Ililigtas umano nito si Taro sa peligro, pero hinding-hindi niya dapat ito bubuksan.
Tinanggap ni Taro ang kahon at sumakay sa likod ng higanteng pawikan patungong pampang. Pagdating sa baryo, napansin ni Taro na nagbago lahat. Wala na ang kanilang dampa, pati ang matandang ina at lahat ng kakilala. Tinanong niya ang mga tao kung meron silang kilalang binata na si Urashima Taro. Anila may lumang kuwento sa baryo na nawala sa dagat ang tinaguriang Taro 300 taon na ang nakalipas.
Binalot ng lungkot si Taro. Sa sama ng loob, nabagsak niya ang kahon na bigay ni Otohime, at bumukas ito. Sumingaw ang makapal na usok. Biglang tumanda si Taro, humaba ang balbas at buhok na puti, at nahukot ang likod. Mula sa dagat naulinigan niya ang taghoy ng prinsesa, “Hindi mo sana hinayaan mabuksan ang kahon. Laman noon ang tunay na edad mo.”
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com