'Hipo'
SEXUAL HARASSMENT ang isa sa mga laganap na pang-aabuso particular na sa kababaihan.
Karaniwang nangyayari ito sa eskwelahan, training grounds, at maging sa opisina o lugar na pinagta-trabahuhan.
Dahil sa takot at matinding kahihiyan na maaari nilang sapitin kaya naman kadalasang mas pinipili ng mga biktima na manahimik at itago ang nangyaring pang-aabuso sa kanila.
Kaya naman ang mga mapagsamantalang kalalakihan, tuloy lang sa ginagawa nilang kalokohan.
Lumapit sa BITAG ang isang grupo ng mga empleyadong babae ng Veterans Golf Club para isumbong ang ginawang pangha-harass sa kanila.
Inirereklamo nila ang kanilang general manager sa panghihipo at pag-alok ng mga indecent proposals.
Ang siste, nagagawang gipitin ng general manager ang mga empleyado dahil siya ang may kontrol kung pi-pirmahan niya o hindi ang pag-renew sa kanilang mga ID.
Kaya naman ang iba sa kanila, pikit-mata na lamang na tinatanggap ang harapang panghahalay ng abusadong general manager.
Upang masiguro ang sumbong ng mga empleyado, isang BITAG undercover ang pinapunta namin para subukang mag-apply ng trabaho.
Sa umpisa pa lamang ng pakikipag-usap sa aming babaeng undercover, halatang may ibang tinutumbok ang mga tanong ng kaharap na general manager.
Sa pagtagal ng pakikipanayam, dito na paunti-unting sumisimple ng hirit sa mga malisyosong tanong ang general manager.
Maging ang size ng bra, waistline at karanasan sa pakikipagtalik ng aming undercover ay pilit na inaalam ng kolokoy.
Kaya naman matapos makumpirma ang pang-aabuso ng general manager mula sa mga aplikante hanggang sa kanilang mga empleyado, kilos prontong nakipag-ugnayan ang BITAG sa tanggapan ng gobyernong sumasaklaw sa kanila.
* * *
Abangan sa BITAG mamayang gabi sa TV 5 ang kinahinatnan ng putok sa buho na general manager ng Veterans Golf Club.
- Latest
- Trending