'Ban God Bill'

NAGING usap-usapan sa apat na sulok ng barber shop ni Kamote ang panukala ni Kabataan party - list Raymond platito este mali Palatino pala dahil sa kanyang mga tiradang ipagbawal ang pagpaparaos este pagdaraos pala ng religious ceremonies at paglalagay ng religious symbol sa agencies ng government of the Republic of the Philippines my Philippines.

Ano kaya ang gusto nitong ilagay?

Karet? Hehehe!

Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, lapastangan sa madlang people daw ang gustong mangyari ni Palatino dahil sampal ito sa mga ‘believer’ ng kani-kaniyang God Almighty.

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, ang unang papalag sa panukala ni Palatino ay ang mga Katoliko Romano dahil mas marami silang sinasamba na mga imahe tulad halimbawa ng Black Nazarene, Sto. Niño, Our Lady of Fatima, San Roque, St. Joseph echetera.

Para tanggalin ito tiyak malaking gulo.

Sabi nga, sigurado!

Hindi pa lang pumapalag ang grupong ito at kapag nayugyog ito tiyak grabeng ingay ang mangyayari. Tama ba, Palatino, Your Honor!

Paano pa ang ibang religious group na mga nagda­rasal at may mga sinasamba rin?

Wala na ba silang ‘freedom to pray o to worship kahit nasa tanggapan sila ng gobierno?’

The other day ay pumalag na si Rep. Roilo Golez sa gustong mangyari ni Palatino sa isyu ng Ban God Bill.

Sabi ng mga asset ng mga kwago ng ORA MISMO, ang gustong panukala ni Palatino ay isang paninikil sa karapatan ng mga religious group mapa-Katoliko, Muslim, Iglesia, o anumang sekta kabilang ang madlang people na may sampalataya kay Lord.

Ika nga, pagyurak ito sa karapatan ng mga religious believer!

Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, kaysa pakialaman ang pananampalataya ng madlang people, dapat mas tuunan ng pansin na lamang sa iba ni Palatino ang kanyang gustong gawing panukala tulad ng pagsugpo sa mga kabataan na nalululong sa droga, prostitution at mga kabataang nasasama sa iba’t ibang klase ng krimen.

Sabi nga, ubusin niya ang pork barrel niya sa mga krimen tulad ng nasa itaas. Sa panukala, inaalisan ng karapatan ang mga nasa gobyerno na maglagay ng mga imahe at magdasal sa kanilang opisina.

Sa palagay ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, pati pari ay gusto na rin yatang banggain ni Palatino sa panukalang gusto niyang isulong?

Naku ha!

Lagot ka!

Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, itong panukala ni Palatino ay libag este mali labag sa constitution dahil inaapakan nito ang ‘bill of rights’ ng isang mananampalataya.

Sabi ni Parañaque Rep. Roilo Golez, maging sa session ng Kongreso ay nagsisimula sa pagdarasal ang mga kongresista matapos ang pagpapatugtog ng Lupang Hinirang at gayundin aniya sa mga ahensiya ng gobierno.

The other week kasi ay humirit sa ilalim ng panukala ni Palatino, na ipagbabawal na ang paglalagay ng krus, santo at maging bibliya sa alinmang ahensya ng gobyerno.

Mga tirada ni Palatino na nakasaad sa Konstitusyon na wala dapat binibigyan ng pabor na relihiyon ang gobyerno kaya dapat ipagbawal ang pagdaraos ng religious ceremonies at paglalagay ng religious symbol sa mga ahensya nito.

Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, maging ang pagdarasal bago ang isang pagpupulong o pagdinig ng korte o pagkatapos ng flag ceremony ay gustong itsapuera rin ni Palatino.

`Abangan.

Show comments