Ayon sa Art. 341 [1], New Civil Code at Art. 189 Family Code, isa sa epekto ng pag-ampon ay magkaroon ng lahat ng karapatan na tulad sa isang legal na anak ng nag-ampon sa kanya, kasama na rito ang paggamit sa apelyido ng nag-ampon.
Si Roberta, 3- taong gulang ay ulila at nasa isang bahay ampunan sa Maynila. Inampon siya ng mag-asawang Bert Santos at Linda Cruz. May edad na ang dalawa at malabo nang magkaanak pa. Halos isang taon na rin silang naghahanap ng isang batang babae na maituturing nilang anak at mahahatian sa kayamanan at kasaganaan.
Nang makita nila si Roberta agad silang nagkagusto sa masayahing bata. Nagsampa ng petisyon si Linda para ampunin si Roberta. Hindi sumama sa petisyon ang kanyang asawa pero nagbigay ng permiso ang lalaki sa gagawing pag-ampon ng misis.
Naisaayos ang petisyon. Lahat ng kundisyones ng batas ay sinunod at inaprubahan ng korte ang pag-ampon ni Linda kay Roberta. Iyon nga lang, ang nakasulat sa desisyon ay ituturing na anak ni Linda si Roberta sa lahat ng aspetong legal at mapapalitan na ang kanyang apelyido at isusunod sa “Cruz” na apelyido ni Linda sa pagkadalaga.
Kinuwestiyon ni Linda ang inutos ng korte na paggamit ng bata sa apelyido niya sa pagkadalaga. Argumento niya ay bakit apelyido sa pagkadalaga ang gagamitin ng bata samantalang ang ginagamit niya ngayong apelyido ay ang sa kanyang asawa. Ito ang ginamit niya sa petisyon at ang apelyidong ito ang alam ng lahat ng kanyang kaanak, kaibigan at kakilala. Ang mangyayari raw noon, kung ipipilit ng korte na apelyido niya sa pagkadalaga ang gagamitin ng bata, baka magkaroon pa sila ng impresyon na anak niya ito sa pagkadalaga. Tama ba si Linda?
MALI. Ang nakasulat sa batas ay magkakaroon ng karapatan ang inampon na gamitin ang apelyido ng nag-ampon sa kanya. Ang apelyidong tinutukoy ay ang orihinal na apelyido ng tao at hindi ang apelyido na nakuha sa pag-aasawa. Nagkaroon ng personal na relasyon sina Linda at Roberta dahil sa ginawang pag-ampon ng una sa bata. Pero hindi ibig sabihin na pumayag ang kanyang asawang si Bert na ampunin ang bata ay nagkaroon na rin sila ng relasyon na tulad ng sa isang mag-ama upang masabing nagkaroon din si Roberta ng karapatan na gamitin ang apelyido ng lalaki. Magkakagulo kapag hinayaan ang inampon na ga mi-tin ang apelyido ng mister ng nag-ampon sa kanya kahit pa hindi kasali ang lalaki sa petisyon ng pag-ampon.
Ang mangyayari kasi ay baka mapaniwala ang publiko na inampon na rin ng mister niya ang bata. Bandang huli ay baka magkaroon pa ng isyu sa karapatan sa mana (Johnston vs. Republic, 7 SCRA 1040).