DAPAT bang tangggapin ni Senior Associate Justice Antonio Carpio ang kanyang nominasyon bilang kandidato sa pagka-Chief Justice. Ang sagot ko ay bakit hindi?
Ang pangunahing argumento kung bakit daw kailangan itong tanggihan ay dahil lalong makukulayan ng pulitika ang pagpatalsik kay Chief Justice Rene Corona. Hindi naitago sa impeachment trial ang mainit na hidwaan sa pagitan ng dalawang pinaka-senior na mahistrado ng bansa. Baka mapagbintangan pang minaniobra ni Justice Carpio ang impeachment, kasama ng kanyang pinsang buo na si Ombudsman Conchita Carpio Morales at ng kanyang pamangking si LRA Administrator Eulalio Diaz III na kapwa kritikal ang ginampanang papel sa pagdiin kay CJ Corona. Sabi nga ng iba – kung may “delikadeza” ito’y kusa na siyang aatras.
Kahanga-hanga kapag umatras nga si Justice Carpio. Subalit kung hindi nito tugunan ang “delikadeza test” ay okay rin lang. Para sa akin, ang mga konsiderasyong ito ay hindi dapat ituring na diskwalipikasyon. Kung patulan ng Presidente ang ganitong obserbasyon ay nasa kanya na iyon. Ang mahalaga, kung kuwalipikado ka ay makilahok ka na rin nang mabigyan ang Presidente nang pinakamalawak na posibleng pagpipilian para sa pinakasensitibo at kritikal na appointment ng kanyang termino (ang Chief Justice ay ang pinakamataas na posisyon na maaring i-appoint ng isang Presidente).
Malaking bagay para makatulong sa kalidad ng Chief Justice kapag ang Senior Associate Justice ay nakaposte sa listahan ng JBC. Ibig sabihi’y higitan mo dapat ang kakayahan ni Carpio kung seryoso kang aspirante. At mas mapapadali rin ang pagtabas ng listahan kung ang hindi papasa sa ganitong “Carpio Test” ay tanggal agad.
Tulad ng lahat ng nominado, may karapatan ding mag-ambisyon si Justice Carpio. Mayroon itong mga natatanging kwalipikasyon at karanasan na maiaambag sa serbisyo sakaling ito’y pagpalain.
Magandang senyales ang ginawang desisyon ng Mataas na Hukuman sa ilalim ng kanyang pansamantalang pamamalakad na buksan sa publiko ang mga SALN ng mahistrado. Kung hindi man siya ang mapili, masasabi naman niyang hindi niya inatrasan ang hamon ng serbisyo. At least, pasado siya sa sarili niyang “Character Test”.