MATUNOG na matunog ang pangalan ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Jacinto Henares na susunod na Chief Justice ng Supreme Court. Ang pangalan ni Henares ang unang pangalan na lumitaw ilang araw matapos mapatalsik si Chief Justice Renato Corona. Tamang-tama raw ang posisyon kay Henares. Maraming karanasan, matapang, mabilis mag-isip, mahusay magdesisyon at ginagawa ang sinasabi. Nasa tamang edad daw si Henares para maging Chief Justice. Swak na swak daw ang BIR chief para maging CJ.
Bagama’t sinabi ng Malacañang na walang silang alam sa pagnomina kay Henares para ma-ging CJ, nakikita naman ang kanilang pagpabor sa BIR chief. Malaki ang paniwala na gusto ng Malacañang na si Henares ang maging CJ. Kung kay Henares at Justice Secretary Leila de Lima, nakikitang pumapabor ang Malacañang kay Henares. Siguro’y dahil nga sa maraming karanasan at mas marunong si Henares.
Pinalawig naman ang tinakdang deadline ng Judicial and Bar Council para sa nominasyon ng magiging Chief Justice. Pagkaraan nito ay rerebyuhin na nila ang mga pangalan ng mga sinumiteng pangalan at makaraan ay idadaan na sa masusing pag-screen.
Kabilang sa pagpipilian ang associate justices ng SC. Umano’y apat na associate justices ang awtomatikong kasama sa pagpipilian para ma-ging CJ. Ayon sa JBC, idadaan sa mahigpit na pagsusuri ang mga taong nominado. Hindi mahahalintulad sa nakaraan na ang pagpili sa CJ ay naging kontrobersiya.
Mas maganda at katanggap-tanggap kung susunod na CJ ay isa sa mga justice ng SC. Matagal na sila sa SC at dapat lamang na sila ang humawak ng posisyon. Mas kabisado na nila ang kalakaran sa SC. Ang kanilang buhay ay inialay na nila sa pagli-lingkod sa SC kaya sila ang dapat makinabang.
Huwag taga-labas ang piliin. Huwag si Henares sapagkat mawawalan ang BIR ng matalino, matapang, masipag at may sariling desisyon. Sayang ang sinimulan niya sa BIR. Marami pa siyang hahabuling magnanakaw at nandadaya sa buwis.