'Modus sa overpass'
KARANIWAN na sa ating mga Pilipino ang tumatawid sa mga overpass lalo na sa mga kalyeng may mabibilis na sasakyan.
Pero sa likod nito hindi alintana ng mga taong nagdaraan ang mga nagkalat na modus sa mga overpass.
Ayon sa isang tipster na lumapit sa BITAG maka-ilang beses na siyang naging biktima ng pandurukot at lahat ay nangyari sa overpass.
Estilo ng mga kolokoy na mandurukot pinipili nila yung mga taong may dalang backpack o yung mga bag na madali nilang madudukutan.
Hindi lamang isa kung gumawa ng kalokohan ang mga dorobong mandurkot na ito, ang iba nagpapanggap na nagtitinda pero nagmamasid na pala kung sino ang kanilang susunod na mabibiktima.
Kwento pa ng aming tipster, minsan ay naglalakad siya sa isang overpass kasabay ang maraming taong tumatawid din.
Habang naglalakad siya naramdaman niya na parang sumasakit ang kaniyang balikat dahil sa pagbigat ng dala niyang body bag.
Nang tignan niya ito, huli sa akto ang kamay ng isang matandang babae na nakapasok na ang buong kamay sa loob ng kanyang bag.
Pero imbis na kumaripas ng takbo palayo ang dorobo, nagawa pa nitong magkunwaring natalisod lamang daw siya.
Parang walang nangyari, patay-malisyang tumalikod lamang ang dorobo at pasenyas na kinausap ang mga kasamahan nito na sa baba lang ng overpass nakatambay.
Ang siste, kapag nakadukot na ang mga kolokoy sa ibabaw ng overpass, ibabato agad nila ito sa mga kasamahan nila na nasa ilalim lang ng overpass.
Kaya naman sa mga commuters na madalas tumawid ng overpass, mag-ingat sa modus ng mga putok sa buhong mandurukot na ito.
Panatilihing naka-dikit sa katawan at hawak mabuti ang inyong mga bag at iba pang mahahalagang gamit.
Huwag maging kampante dahil hindi mo nalalaman, ikaw na pala ang natitipuhang bibiktimahin ng mga mandurukot sa overpass.
- Latest
- Trending