KAMI ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ay nagpupugay sa Bgy. Ayala Alabang, Muntinlupa City sa pangunguna ni Bgy. Chairman Alfred Xerez-Burgos Jr. kaugnay sa pagdiriwang ng ika-114 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan noong Hunyo 12.
Pinamunuan ni Burgos ang mga opisyal at kasapi ng barangay gayundin ng Ayala Alabang Village Association sa pagbigkas ng Panatang Makabayan na aniya’y nagpapadalisay ng ating pagka-Pilipino sa pamamagitan ng mataas na pagpapahalaga nito sa bansa at mga tungkulin ng mamamayan.
Binigyang-diin niya na alinsunod sa Republic Act No. 1265 of 1955 at Department of Education Order No. 8, ang Panatang Makabayan ay binibigkas bilang bahagi ng regular na flag ceremony sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa bansa upang imulat ang mga estudyante sa mga katangian ng tunay na Pilipino na dapat nilang taglayin.
Aniya, ang ganitong gawain ay kailangang ipagpatuloy pati ng mga magulang laluna ng mga nagsisilbi sa bayan upang maging gabay nila sa pagtupad ng tungkulin. Sa pamamagitan ng sama-samang pag-awit ng Lupang Hinirang at pagbigkas ng Panatang Makabayan, buong-damdaming sinimulan ng mga mamamayan ng Bgy. Ayala Alabang ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Ang aktibidad ay inirekord nila sa video at mapapanood ng publiko sa pamamagitan ng pag-search sa internet ng “Panatang Makabayan Barangay Ayala Alabang” o pag-“click” ng “internet browser link” na ito: http://www.youtube.com/watch?v=N1fsw8LFp3o.
Ayon kay Jinggoy, ang isinagawa ng Bgy. Ayala Alabang ay positibong hakbangin na dapat tularan sa lahat ng panig ng bansa.