SA sine lang natin napapanood ito. Unti-unting nagkakalamat ang tabi ng isang dam. Bumibilis ang gapang at kumakalat tila sapot ng gagamba, hanggang sa bumigay na at gumuho na nang tuluyan ang dam! Milyong galon ng tubig ang rumaragasa at tinatangay ang lahat ng nasa daanan nito! Kapag umabot sa pinakamababang lugar, titigil na ang daloy at magbabaha na! Paano kung maganap sa totoong buhay, at ang nakakatakot pa, ay dito pa sa Metro Manila?!
Apatnapu’t apat na taon na ang Angat Dam sa Bulacan. Ang sabi ng mga eksperto, 50-taon lang daw ang karaniwang buhay ng isang dam. Kung anong ibig sabihin ng buhay ay tila hindi ipinaliwanag nang mabuti. Guguho na ba ang dam kapag nag-birthday na ng 50-taon? Kung ganun, may anim na taon pa ang Angat Dam. Pero may problema pa. Ang Angat Dam ay itinayo raw sa ibabaw ng isang fault line! Kapag lumindol nang malakas, sabihin ng mga 7 hanggang 7.2 magnitude, guguho na ang dam. Mapapasailalim daw ng tubig na umaabot ng 10 hanggang 30 metro ang lalim ang 20 bayan sa Bulacan, tatlong bayan sa Pampanga at tatlong siyudad sa Metro Manila! Grabe! Anong klaseng eksena ito! Higit 30-libong tao ang mamamatay at higit P200 bilyon ang pinsala! Ito yung mga tala na nilabas ng isang kompanya sa US na kinomisyon ng MWSS para pag-aralan kung ano ang mangyayari kung gumuho nga ang Angat Dam.
May mga balita kasi na may lamat na raw ang dam. Pinabulaanan naman ito ng manager ng Angat Dam, at sinabi pa na sa tamang maintenance, mas mahaba pa ang buhay nito. Sigurado bang nagagawa ang tamang maintenance? Eh kung ang mga banyo sa mga pampublikong paaralan hindi mabigyan ng proper maintenance, yun pang malaking dam? Hindi naman sa gusto kong manakot, pero hindi na dapat siguro kinokontra ang ganyang mga babala, kundi pakinggan at bigyan ng kaukulang pag-iingat. Kaya naglabas na ng higit P5 bilyon si President Aquino para sa rehabilitasyon ng dam. Ito ang dapat bantayan, kung magagamit sa pagpapatibay ng dam ang pera, at hindi kung saan-saan na lang! Hindi biro kapag gumuho ang isang dam. Mapapasumpa talaga tayo!