POWER Point Presentation? Press Photographers of the Philippines? Papa Piolo Pascual? Sa Panahon ni Pangulong P-Noy, ang PPP ay para sa Public-Private Partnership, ang isa sa pangunahing programa ng administrasyon. Ang PPP ay isang pamamaraan upang makatulong ang namumuhunang pribadong sektor sa mga infrastructure at development projects na karaniwa’y ang gobyerno ang nagpapatupad. Tipid sa gastos, mas pinahigpit na sistema at proseso kontra kurapsyon at pagkakataon upang makiisa ang karaniwang mamamayan sa adhikain ng pamahalaan.
Matagal nang nasa batas ang PPP dahil ito’y bagong palayaw lamang ng mga joint venture projects sa ilalim ng BOT (Build Operate and Tranfer) Law. Mas inayos lang nito ang mga kahinaan at kakulangan ng naunang batas – lalo na sa larangan ng mga garantiyang ibinibigay ng gobyerno sa mga pribadong kumpanyang nakikipagsapalaran.
Sa ordinaryong mamamayan ay parang mahirap abutin ang konsepto ng PPP dahil sa maling pag-aakala na pawang proyektong Nasyonal ang maaring isailalim dito. Sa tutoo lang, hindi limitado sa National Projects ang PPP. Maging mga lokal na pangangailangan ay pwede rin.
Dito lamang sa Metro Manila, si Mayor Benhur Abalos at ang kanyang Mandaluyong City Council ay nauna na sa pakinabang sa BOT Law nang ang kanilang nasunog na public market ay muling naitayo nang mas moderno at magara, salamat sa pakikipagtulungan ng pribadong imbestor. Sa Mindanao din, sa Koronadal at sa Cagayan de Oro, ay mayroon nang mga halimbawa ng Local Government Projects na naipatupad sa pamamagitan ng PPP.
Lumang tugtugin na ang “walang pera” bilang paliwanag kung bakit walang development ang isang bayan o lungsod. Kung tanging ang IRA (Internal Revenue Allotment) ng LGU ang inaasahang pondo, sa pamamagitan ng PPP ay maari na itong makapagpatayo ng kahit anong proyekto na walang inilala-bas na salapi.
Sa aking paglibot sa mga LGU ng Metro Manila, naobserbahan kong hinog na hinog ang mga ito sa PPP projects na hindi lamang makakatulong sa pag-unlad kung hindi makadadagdag pa sa kanilang kita. Habang itinutulak ng pamahalaan ang PPP ay huwag sanang palampasin ng mga LGUs ang pagkakataon dahil ito’y magiging mitsa ng asenso sa kani-kanilang lugar.