HINDI na natuto ang may-ari ng barkong M/V Jisselle 2 at maski na ang Philippine Coast Guard. Pinaniniwalaang sobra-sobra ang mga pasahero ng nasabing cargo vessel nang umalis sa Limi-nangcong Pier sa Taytay, Palawan patungong Coron noong Martes ng gabi. Pero pagdating sa Bgy. Bebeladan, El Nido, hinampas ito nang malalaking alon. Nagpanic ang mga pasahero at ang iba ay nagtalunan sa tubig. Lima ang namatay at 54 ang nasagip. Ayon sa mga nakaligtas, malalaking alon ang kanilang nasalubong na na-ging dahilan para mawasak ang barko na yari sa kahoy. Ang nakatala lamang umano sa manifest ng barko ay 39 na pasahero pero lumalabas na mahigit 60 ang pasahero lahat ng barko bukod pa sa 17 tripulante nito. May karga rin umanong 65 kalabaw ang barko. Pag-aari ng Atienza Shipping Lines ang lumubog na barko.
Walang bagyo o anumang sama ng panahon nang maglayag ang M/V Jiselle 2 pero inanunsiyo ng PAGASA na may mga pag-ulan at makulimlim dahil sa habagat. May mga lugar sa bansa na malalaki ang alon kaya pinag-iingat ang mga maglalayag. Pero sa kabila ng paalala ng PAGASA, naglayag pa rin ang barko. At ang nakapagtataka, paano nakaalis sa pier ang barko gayung may mga babala nga ang PAG-ASA. Paano pinahintulutan ng Cost Guard na makaalis ang isang barkong sobra-sobra umano ang pasahero?
Marami nang namatay dahil sa kapabayaan ng mismong may-ari ng barko at mismong mga tauhan ng Coast Guard. Para kumita nang limpak, isasakay nang isasakay lahat ng pasahero at bahala na kung ano ang mangyari habang nasa laot. Ang mahalaga ay kumita nang malaki.
Tiyak na iimbestigahan ang paglubog ng M/V Jesille 2 at tiyak na magtuturu-turuan na naman kung sino ang dapat managot. Kanya-kanya na namang palusot ang bawat isa.
Kailangan bang may mamatay muna bago ma-realized ang nangyaring aksidente?