PARA sa akin, masyado nang nakaka-umay ang isyu tungkol sa pagtanggi ni Senador Koko Pimentel na makasama sa isang ticket (United Nationalist Aliance o UNA) sa darating na midterm elections si Migz Zubiri.
Alam na ng buong bansa na malaki ang galit ni Pimentel kay Zubiri. Tatlong taon ng kanyang termino bilang senador ang nawala dahil ang umupo sa puwesto niya ay si Zubiri. Si Zubiri aniya ay benepisyaryo ng pandaraya ng nakaraang administrasyon. Kung hindi nga naman dahil sa protesta ni Pimentel ay si Zubiri pa rin sana ang nakaupo hangga ngayon.
Ang UNA ay kowalisyon ng partidong Puwersa ng Masang Pilipino ni dating Presidente Estrada at ng PDP-Laban ni Vice President Jejomar Binay.
Komo si Erap ang nagtitimon sa UNA coalition, ibig niyang magkasama sa senatorial ticket para sa 2013 sina Pimentel at Zubiri, bagay na tinututulan ng huli. Ang isyu ay masyado nang lumaki at nagbubunga na ng palitan ng maanghang na mga salita.
Madaling unawain kung bakit ayaw ni Pimentel na ma kasama si Zubiri. Mantakin mo nga naman na sa panahon ng kampanya, mapipilitan siya na i-endorso ang kandidatura ng taong pinaniniwalaan niyang nandaya sa kanya. Kaya tantanan na ang palitan ng masasakit na salita. Bayaan na lang si Pimentel na humagi-lap ng partidong magdadala sa kanya. Puwede rin naman siyang tumakbo bilang pambato ng PDP-Laban
na partidong itinatag ng kanyang amang si dating Sen. Nene Pimentel.
Hay, iyan ang hirap sa politika. Ang kakampi mo ngayon puwedeng kalaban mo bukas. Wala tayong makikitang pagsasanib na tapat ang layunin. It is always for convenience na para sa kapakanan ng mga politiko at hindi ng bayan.