KASAL si Amor pero matagal nang hiwalay sa kanyang asawa. Ilang taon na rin ang lumipas na hindi sila nagkikita. Hanggang nakilala niya ang isang mayamang negosyanteng-abogado at nauwi sa isang bawal na relasyon. Sa kanilang pagsasama, nagkaroon sila ng isang anak na isinunod ang pangalan sa negosyanteng-abogado.
Ang batang lalaki ay nabusog sa pag-aaruga at pagmamahal ng ama. Nag-iisa lang siyang lalaki dahil ang mga anak sa tunay na asawa ay pawang babae. Sa mga sulat ng negosyanteng-abogado kay Amor ay tahasan niyang kinilala ang pagiging ama sa bata at pinangakong kikilalanin ito bilang isa sa kanyang mga tagapagmana.
Namatay ang negosyanteng-abogado bago niya ganap na kinilala ang anak kay Amor at bago pa man makapagsampa ng kaso sa korte ang mag-ina para humingi ng sustento.
Nang mamatay ang negosyanteng-abogado, nag-iwan siya ng lupa at iba pang ari-arian na umabot ng ilang mil-yong piso. Nang mamatay ay wala namang naiwan para sa mag-ina, samantalang sagana sila sa pera noong nabubuhay pa ang lalaki. Bilang ina at tumatayong legal guardian ng bata, napilitan si Amor na humingi sa administrador ng naiwang ari-arian ng namatay ng sustento at kaparte sa mana. Nang hindi pumayag ang administrador na isa sa mga anak na babae ng abogadong namatay na bigyan ng sustento ang bastardong anak ng ama, napilitan si Amor na magsampa ng kaso para makahingi ng kaparte sa mana ang bata. Kinontra ito ng administradora. Argumento ng babae ay masyado pang maaga para maghabol ng mana ang bata. Ang una muna raw dapat patunayan nito ay ang pagkilala sa kanya na puwedeng kusang-loob na ginawa ng ama o kaya ay bilang direktiba ng korte. Unahin muna raw nina Amor ang pagsampa ng kaso upang kila-lanin ang bata bilang anak sa labas bago sila maghabol sa mana ng ama. Tama ba siya?
MALI. Sa batas ay wala naman talagang nakasulat na kailangan muna ng isang anak sa labas na magsampa ng kaso laban sa kanyang ama para kilalanin siya nito bago siya makapaghabol ng mana. Ang dalawang isyu ito ay maaaring pagsamahin na lamang sa isang asunto. Hindi na kailangan ng bata na magpakita pa ng desisyon mula sa korte na kumikilala sa kanya bilang anak sa labas bago siya makapaghabol sa paghahati ng mana (Tayag v. Court of Appeals, 209 SCRA 665).