HMMM. May panibagong kampanya na na- man ang Metro Manila Development Autho-rity (MMDA). Bawal tumawid sa hindi pedestrian lane. Huhulihin at pagmumultahin ng P200. Hmmm, hindi kaya isa na namang kampanya ito na sa una lamang mahigpit at paglipas ng ilang araw ay balik na naman sa dating gawi? Noon, ipinagbawal ng MMDA ang paninigarilyo sa publikong lugar. Pero ilang araw lang naghigpit at wala na ang kampanya. Ipinagbawal din ang pagtatapon ng mga maliliit na basura sa kalsada, pero makaraan lang ang ilang araw, wala na rin. Ipinagbawal ang pagtitinda ng vendors sa sidewalk, pero makaraan ang ilang araw, balik ang mga vendor at mas marami pa.
Ngayon, mga jaywalkers naman ang inaa-tupag ng MMDA. Noong Biyernes, 254 jaywalkers ang nahuli. Ayon kay MMDA chairman Francis Tolentino, desidido sila sa kampanya. Hindi sila titigil hangga’t may mga matitigas ang ulong pedestrian. Ayon kay Tolentino, ito ang nakikita nilang paraan para mabawasan ang mga nangyayaring aksidente sa kalsada. Ayon kay Tolentino, 15 tao ang nasasagasaan sa isang araw dahil sa pagtawid sa hindi tamang tawiran. Noong nakaraang taon, umabot sa 5,348 ang mga nasagasaan dahil sa pagtawid sa hindi tamang tawiran at 174 dito ang namatay. Para maipatupad nang husto ang kampanya, nagtalaga si Tolentino ng mga traffic enforcer na naka-uniporme ng pula na huhuli sa jaywalkers. Ang hindi makapagbabayad ng P200 ay magre-render ng community service.
Sana, magkaroon ng kabuluhan ang kampanyang ito para mabawasan ang mga malalagim na aksidente sa kalsada. Hindi sana ito ningas-kugon lang. Imulat din naman ang mga pedestrian sa paggamit ng footbridge o overpass. O mas mabuti kung lalagyan ng bakod ang center island para hindi na matuksong tumawid dito ang mga sutil o pasaway na pedestrian.