NAGBALIK na sa paaralan ang mga estudyante noong Lunes. Kasabay sa pagbabalik ng mga estudyante, nagsimula na rin ang tag-ulan. Sa pagbabalik ng mga estudyante sa public school, pina-ngangambahan na mabiktima sila ng mga lamok na may dengue. Ayon sa report, tumataas na naman umano ang bilang ng mga nabibiktima ng dengue at karamihan sa mga ito ay bata.
Kung ang paligid ng isang school ay hindi gaanong nalilinis, posibleng maraming lamok ang namamahay at doon mangingitlog at dadami nang dadami. Ang mga lamok na ito ang sasalakay sa mga kawawang estudyante. Karaniwan nang walang pananggalang sa kanilang katawan ang mga estudyante lalo pa nga’t ang mga ito ay galing sa mga mahihirap na pamilya. Kung ang pagbili ng uniporme ay nahihirapan ang mga magulang, paano pa ang pagbili ng mga lotion o kaya ay mahabang manggas na damit para maprotektahan ang katawan sa kagat ng lamok.
Ang pagsisiksikan ng mga estudyante sa isang classroom ay magiging bentahe pa sa mga lamok sapagkat mas gusto nila sa mga siksikan at madidilim na lugar. Walang kamalay-malay ang mga bata na pawang nakagat na ang kanilang binti, braso at leeg. Hanggang sa lumitaw na ang mga sintomas ng dengue gaya ng lagnat na tumatagal ng isang linggo, pananakit ng ulo, pamamantal ng balat, pananakit ng mga kalamnan, pagsusuka, pagtatae at pagkawala ng gana sa pagkain.
Ngayong Hunyo ay Dengue Awareness Month. Ito ay para maipaalala sa publiko na dapat mag-ingat ang mamamayan sa mga lamok na may dengue. Ang paglilinis sa kapaligiran at sa loob ng bahay ang dapat gawin para hindi mabuhay o kumalat ang mga lamok. Wasakin ang mga posibleng pagbahayan o pangitlugan ng mga lamok. Linisin ang mga basyong bote, paso ng halaman, mga biyak na goma, lata ng gatas o sardinas. Kamakailan, sinabi ng Philippine Association of Entomologists (PAE), na may bagong lamok na nagdudulot ng dengue ay ang Aedes Albopictus. Sa gabi umano nangangagat ang lamok na ito.
Ang paglilinis sa kapaligiran ang susi para mawala ang mga lamok. Linising mabuti ang mga paligid ng paaralan. Pagsuutin ang mga bata nang mahabang manggas o jogging pants para hindi makagat ng lamok. Iligtas ang mga bata sa dengue.