Tough job kay P-Noy
KAPAG malawak ang agwat ng mga mahihirap at ma-yayaman sa isang bansa, asahan mong talamak ang katiwalian. Mahirap sugpuin. Bawat nagdaang administrasyon ay may layuning pakitirin ang agwat na ito, pero hangga ngayon “walang pagbabago!”
Ang numero unong dahilan ng kahirapan ay ang graft and corruption sa gobyerno. Agree ako diyan. Agree din ako sa sinseridad ng Pangulong P-Noy na masugpo ito.
Palibhasa, ang iilang makapangyarihan ay nagkakamal ng kayamanan para manatili sa kapangyarihan at ang tanging hangad ay pagharian ang mga mahihirap. Ito ang kulturang ibig tuldukan ng administrasyon.
Kaugnay nito, ang dapat pagtuunang pansin ng pamahalaan ay hindi lamang ang pagsugpo sa korapsyon kundi ang pagbuo ng ekonomiyang kapakipakinabang sa lahat ng sector ng lipunan.
Kailangang magka-ugnay layuning ito dahil hindi ka makakabuo ng ekonomiyang pakikinabangan din ng mahihirap kung marami pa ring naglilingkod sa pamahalaan ang tiwali at magnanakaw. Yan ang dahilan kaya kinakapos ang pondong pangtustus sa mga programang pakikinabangan ng mamamayan.
Ang pagkakaalis sa puwesto ni Renato Corona bilang Chief Justice ng Mataas na Hukuman sa pamamagitan ng impeachment ay isa lang katiting na bahagi sa kabuuang kampanya laban sa katiwalian. Mas malamang na hindi makukumpleto ni Presidente Aquino ang kampanyang ito bago matapos ang kanyang termino. At kundi rin lang makikiisa ang ibang opisyal ng pamahalaan at taumbayan, hindi magtatagumpay ito. Ngunit bakit ba tayo masyadong negatibo? Let’s be positive.
Ang sinasabi ko ay kailangan ang sakripisyo at kontribusyon ng bawat mamamayan sa gawaing ito dahil malayo pa bago maabot ang inaasahan nating maginhawang buhay.
Kumbaga, ang gawain ay isang ‘‘major surgery”. Masakit lalu na sa mga masasagasaan. Ang ibig kong tukuyin ay yung mga taong nahirati sa tiwaling buhay at kapag nagpatupad ng tunay na reporma, pihong apektado sila.
Hindi sapat ang isang lideratong may mabuting layunin. Ang kailangan ay isang “kawing-kawing” na mga liderato ngayon at sa hinaharap na magpapatuloy sa mga mabubuting kampanya at gawaing napasimulan.
- Latest
- Trending