Pagbabayad ng buwis

ISA sa mabigat na isyu ngayon matapos masibak si dating Chief Justice Renato Corona ay kung tutuloy ba ang imbestigasyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa kanya. 

Pero karamihan sa mga senador ay pagbigyan na raw si Corona at kahit paano ay naparusahan na. Totoo ito, dahil hindi lamang posisyon ang nawala sa kanya sa pagtanggal bilang Chief Justice kundi pati karangalan. 

Sabi naman ni BIR Commissioner Kim Henares, hindi maaari dahil dapat pantay-pantay ang pagturing ng opisina niya sa lahat. Hindi dapat may exemption o palakasan pagdating sa ganoong kaso. 

Hindi na ako magkokomento masyado rito maliban sa dapat ang batas pantay-pantay para sa lahat. Wala dapat palakasan.

Tayong lahat, dapat magbayad ng tamang buwis. Ako, noong panahon ni Madam Senyora Donya Gloria ay gumagawa ng paraan upang hindi magbayad ng buwis, kaso wala akong kawala dahil sa pagtanggap ng bayad o suweldo sa aking mga trabaho ay kaltas na ang buwis. 

Kung corrupt ang pamahalaan, isang uri ng pagpoprotesta ito at isa itong uri ng civil disobedience. Umaamin akong ginagawa ito noong nakaraang administrasyon kahit sa pamimili, hindi ako humihingi ng resibo sa mga nagtitinda at sinasabi kong mapupunta lamang ito sa mga corrupt. 

Ngayong administrasyon, hanggang sa araw na ito ay tiyak kong hindi nangungurakot si President Noy-      noy Aquino at kanyang mga tauhan gaya ni Commissioner Henares kaya humihingi ako ng resibo at bukal sa kalooban ang magbayad ng buwis.  

Obligasyon ng bawa’t isa sa atin na magbayad ng ta­ mang buwis. Hindi ho ma­a­aring kumilos ang pamahalaan at huwag tayo umasa ng magandang serbisyo gaya ng maayos na kalye kung hindi tayo magbabayad ng tax. Iyan ang tandaan natin, responsibilidad nang maayos na mamamayan ang magbayad ng tamang buwis at responsibilidad ng pamahalaan ang gastusin ito para sa kapakanan ng buong bayan.

* * *

Para sa anumang re-ak­syon o suhestiyon text e mail sa nixonkua@ymail.com  

Show comments