HINDI lang CCTV cameras at Global Positioning System (GPS) gadgets na ipinundar noon ni dating NCRPO chief Dir. Gen. Boysie Rosales ang nasayang kundi pati ang teleconferencing gadget na nakatiwangwang nga-yon. Kaya kung tumataas ang krimen ngayon (taliwas sa ibinabando ni Dep. Dir. Gen. Emil Sarmiento, deputy for operation ng PNP) iyan ay dahil sa kawalan ng interes ng PNP officials na masawata ang krimen hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa probinsiya. Hindi technically inclined ang pumalit kay Rosales, iyan ang sabi ng mga kausap kong pulis.
Ang teleconferencing gadgets ay kasama sa operation ng Regional Tactical Intelligence and Operations Center (RTOIC) sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City. Ang gadgets ay nakakabit sa mga conference room ng police districts at konektado naman sa conference room ng NCRPO. Isang pindot lang ni Rosales noon, puwede na niyang kausapin ang limang district directors at ipaabot ang kanyang kautusan. Dahil sa teleconferencing gadget, makakamenos ang NCRPO ng gasolina, oras at iba pang pagkakagastusan. Ang teleconferencing gadgets ay nakakabit pa ngayon sa mga police district at patuloy ang pagbabayad ng kuryente. Subalit nang mawala ang operation ng RTOIC, balik sa dating gawi ang NCRPO officials. Dagsa sila sa NCRPO kapag may bagong guidance si NCRPO chief Dir. Alan Purisima.
Sinabi ng mga kausap kong pulis na ang CCTV, GPS at teleconferencing gadgets, kasama ang CCTV cameras at GPS ay innovation ni Rosales para mapababa ang kriminalidad sa Metro Manila. Inaamin naman ng mga kausap kong pulis na malaking kawalan ang mga proyekto ni Rosales na laway lang ang naging capital ng PNP. Kung bakit hindi itinutuloy ng mga lider ng PNP ang ganitong proyekto ay sila-sila lang ang nakaaalam.
Hanggang kailan magtitiis ang Metro Manilans sa pagtaas ng krimen? Anong say mo PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome? Meron ka na bang accomplishment, maliban sa press release?
Mukhang si General Sarmiento lang ang masaya sa ilalim ng liderato ng mistah niya na si Bartolome dahil patuloy na umiikot sa pasugalan, beerhouse joints at iba pang illegal ang bata niyang si Molly Acuna. Abangan!