KUNG ano ang iginawad na parusa sa court interpreter na si Delsa Flores noong 1997, ganundin ang parusang iginawad kay Chief Justice Renato Corona noong Martes. Dalawampung senador ang humatol sa kanya ng guilty. Nagpapakita lamang ito na ang batas ay para sa mahirap at para rin sa mayaman. Kung ano ang nakamtan ni Flores ganundin ang kasasapitan ni Corona. Parehong hindi nagdeklara ng ari-arian at kinita si Flores at Corona kaya inalis sila sa tungkulin. Ang batas ay batas at dapat ipatupad kahit pa pinaka-mataas na pinuno ng Korte Suprema.
Maraming senador ang ginawang batayan ang kaso ng court interpreter na si Flores para mabigyan ng diin ang kanilang hatol kay Corona. Kabilang sina Senators Allan Peter Cayetano, Loren Legarda, Sergio Osmeña at Tito Sotto sa nagbanggit sa kaso ni Flores. Ayon kay Cayetano, bakit ang isang karaniwang court employee na hindi nagdeklara ng kanyang kinita at ari-arian ay agarang dinismis sa trabaho, bakit ang isang mayaman kapag inaresto sa katulad na pagkakasala ay nakapagpaliwanag pa at nababaluktot ang mali at nakapag-iimbento pa ng kung anu-ano para lamang malusutan ang batas.
Halos magkapareho ang paniniwala ni Cayetano at Legarda. Ayon kay Legarda, kung ang karaniwang empleado ay napatalsik sa puwesto dahil sa hindi pagsasaad ng kanyang ari-arian at kinita, walang dahilan para hindi ito mangyari rin kay Chief Justice Corona.
Si Flores ay court enterpreter sa Davao at napatunayang hindi isinama ang kanyang market stall sa Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN). Hinatulan siya ng Panabu Davao Regional Trial Court Branch 4 noong 1997. Hindi nakuha ni Flores ang kanyang retirement pay, pinagbawalan siyang makapagtrabaho sa gobyerno at iba pang government and controlled corporations. Ang ginawa ni Flores ay paglabag sa Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Walang ipinagkaiba sa ginawa ni Corona na hindi isinama ang kanyang mga kinita at ari-arian. Isang karaniwang empleado at isang mataas na opisyal ng gobyerno na ang nahatulan. Marami pa marahil na katulad nila na nagtatago sa dilim kaya dapat ibunyag. Kailangan silang hatulan.