HULOG sa BITAG ang puganteng apat na taon nang nagtago sa kanyang krimen sa Balintawak, Quezon City.
Matapos ang matagal na panahong paghihintay, hindi na nag-aksaya pa ng oras ang ina ng biktima para mahuli ang lalaking nanamantala sa kanyang anak.
Dumulog sa tanggapan ng BITAG ang ina ng biktima para humingi ng tulong sa ikadadakip ng suspek na si Alexander Samson.
Sumbong niya, apat na taon na ang nakararaan nang gahasain ng suspek na si Alexander ang kanyang noo’y menor de edad na anak na babae. Kuwento ng ina ng biktima, nagtatrabaho siya bilang kasambahay sa tiyuhin ng suspek sa Quezon City.
Ngunit hindi nila akalain na ang pagbabakasyon ng anak mula sa probinsiya nila sa Masbate ay mauuwi lamang sa kapahamakan. Tiyempong wala ang ina ng batang babae nang alukin siya ng suspek ng softdrinks at ice cream.
Nadatnan na lamang siya ng kanyang Ina na natutulog suot ang damit ng pamangkin ng kanilang amo.
Malaki ang naging trauma ng biktima sa nangyaring ito lalo pa nang mapatunayan mula sa medico legal na positibong nagahasa ang dalaga. Subalit imbis na harapin ang kanyang kaso, apat na taong nagtago at hindi lumantad sa publiko ang suspek.
Kaya naman sa tulong ng BITAG, kilos prontong nagplano ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang madakip ang puganteng si Alexander. Sa bisa ng iginawad na warrant of arrest ng korte, binantayan at minanmanan ng mga undercover agents ng BITAG at CIDG ang pinagtataguang bahay ng suspek.
Panoorin ang kabuuang dokumentasyon ng pagkaka-sakote sa puganteng apat na taong nagtago sa batas ngayong darating na Biyernes ng gabi, sa BITAG, sa TV 5.