Patuloy ang mga drug mule!

MERON pa rin talagang ayaw matuto. Hindi ko alam kung mahina ang ulo at hindi makaintindi o talagang matindi ang pangangailangan at pumapayag na magpagamit sa napaka-delikadong pamamaraan. Isang ba­baing Indo­nesian ang nahuli sa NAIA terminal 3 na may dalang tatlong kilo ng shabu. Nakalagay ang iligal na droga sa isang palsipikadong taguan sa ilalim ng kanyang bag. Pero lumang estilo na ito, ale! Bistadung-bistado dahil mabigat pa ang kanyang bag kahit magagaan lang ang laman! Balisa pa ang babae kaya naghinala na ang mga otoridad sa airport. Parang nakakainsulto na nga at iniisip ng mga nagtago ng mga droga na hindi maiisip ng mga inspektor natin ang ganitong panlilinlang! Na tila hindi tayo marurunong magbasa ng kilos ng tao, at hindi tayo marunong maghanap! Excuse me, mga drug lord sa Indonesia o kung saan pa, bulok na ang estilo n’yo!

Ano naman kaya ang nararamdaman ngayon ng babaeng nahuli? Magkano kaya ang halaga na sumilaw sa kanya para maging drug mule? Sulit ba? Ang naisip ko na lang na kunswelo ay sana binayaran na siya para sa “trabaho”, at binigay na niya ang pera sa kanyang pamilya para mapakinabangan naman nila, dahil tapos na ang kanyang buhay. Wala nga tayong parusang bitay para sa mga drug mule katulad ng China, pero panghabambuhay na kulong naman! Ito ay kung hindi “patatakasin”ang suspek!

Pero patunay lang ito na walang humpay ang pagpa-sok ng iligal na droga sa bansa. Ang mga sindikato ay hindi nagpapahinga ng kakahanap ng maloloko, masisilaw para gawin ang kanilang masasamang gawain. Kung may mahuling isa, baka marami ang nakakalusot o masama, pinalu­lusot ng mga opisyal na bayarin. Aktibo na nga raw ang West African drug syndicate sa bansa. Kung may alam ang mga otoridad sa kanilang kinaroroonan, sana hulihin na’t ikulong sa malayong lugar! Baka naman hindi hinahanap dahil nasa bulsa na nung sindikato? Kailangang itanong ang mga ganitong tanong dahil hindi malayo mangyari na ang im­pluwensiya ng sindikato ay nakapasok na sa PNP. Katu­lad na nga ng nasulat ko ka­hapon, mga pulis na ang nanghuhuli sa kanilang mga kasama, dahil sangkot na sa krimen!

Show comments