NGAYONG araw na ito hahatulan ng mga senador si Chief Justice Renato Corona. Labing-anim na boto ang kailangan para mahatulang guilty si Corona at walo para siya’y maabsuwelto. Kahapon ay nagkaroon ng oral arguments ang prosecution at ang depensa. Ipinaliwanag ang kani-kanilang panig sa nakaraang apat na buwang impeachment trial.
Ayon sa report, marami nang senador ang nakahanda na ang kanilang boto mula pa noong Biyernes. Tinanong ng mga senador si Corona noong Biyernes at sa mga pagtatanong na iyon at pagsagot ni Corona, nabuo ang kanilang desisyon kung iaabsuwelto ito o iko-convict. Inamin ni Corona na mayroon siyang dollar at peso accounts. Nagbalik si Corona sa trial makaraang mag-walkout noong Martes. Biglang umalis si Corona dahilan para siya’y pigilin. Kasunod niyon, naospital na si Corona sapagkat bumaba umano ang sugar level.
Anumang mangyayari ngayon ay maitatala sa kasaysayan ng Pilipinas. Ang mga senador ang magpapasya sa kapalaran ng Chief Justice. Mahatulan man siyang guilty o maabsuwelto, isa itong makasaysayang pangyayari na pag-uusapan at pag-aaralan ng mga susunod pang salinlahi. Mababanggit ang papel ng mga senador sa pagbibigay ng hatol sa Chief Justice. Malinaw na makikita sa pagbibigay ng hatol na gumagalaw ang batas sa bansang ito. Na kahit ang Chief Justice ay maaaring isalang sa korte. Na sa pamamagitan ng mga senador, ang sinumang taong gobyerno na nakagawa ng pagkakamali ay maaaring hatulan. Pantay-pantay ang lahat sa batas.
Harinawang ang pasya ng mga senador kay Corona ay ibinase sa mga ebidensiya at hindi sa awa. Harinawang hindi manaig sa mga senador na kaya iboboto si Corona para mapawalang-sala ay dahil sa pansariling kapakanan. Hindi dapat manaig ang pulitika o ano pa man. Bigat ng ebidensiya ang mahalaga sa pagpapasya sa makasaysayang araw na ito. Sa mahusay at patas na pagpapasya, uusad ang bansa.