KAHIT na binuo na ni President Aquino ang Anti-Logging Task Force na nangangasiwa sa paghabol ng mga illegal loggers na naglipana sa iba’t ibang sulok ng bansa, patuloy pa rin ang walang pakundangang pagputol ng kahoy sa katimugan.
At dahil sa patuloy na pagputol ng kahoy, lalong lumalawak naman ang mga lugar na naapektuhan ng baha at landslide dito sa Mindanao.
Patunay dito ang lawak ng pinsala na dala ng Bagyong Sendong noong December 17, 2011, partikular na sa Cagayan de Oro City at Iligan City. Naging saksi ang mundo sa pagragasa hindi lamang ng tubig ngunit maging ng bulto ng troso na inanod mula sa kalapit na kabundukan ng Bukidnon at Lanao del Norte.
Ang buong akala ay natuto na ang ating mga mamamayan sa pinsala na dulot ng Bagyong Sendong at sila ay hihinto na sa illegal logging. Hindi pala sapat ang Bagyong Sendong dahil hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang pagputol ng isa sa ating mahalagang resources—ang ating kakahuyan.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), mga opisyales ng local government units pa nga mismo ang sangkot sa illegal logging sa Davao Oriental, Agusan del Sur at maging sa Compostela Valley.
‘Yon ang masaklap kasi mga pulitiko natin mismo ang silang nasa likod ng pagkakalbo ng ating kagubatan, ayon sa DENR.
Ang mga nasabing lugar ay parating tinatamaan ng landslide at maging ng baha tuwing malakas ang buhos ng ulan.
At sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) naman, nitong linggong ito lang ay nakumpiska ng mga otoridad ang may 8,000 board feet ng Lauan lumber na naisilid sa isang 40-footer container van sa Polloc Port sa Cotabato City. And kargamento ay dadalhin na sana sa Maynila at naka-consign sa isang nagngangalang “Arcilla”.
Ang pagkumpiska ng Lauan lumber ay ibig sabihin na patuloy pa rin ang illegal logging sa ARMM gayong umiiral naman ang total log ban sa natural forest covers sa lalawigan ng Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Maguindanao at Lanao del Sur.
Ganun din ang nangyari sa buwan na ito na kung saan ay nakumpiska ang may higit 20 trailers na may laman na troso sa Trento, Agusan del Sur.
Ngayon paano matitigil ang illegal logging kung ang sangkot nito ay mismong mga local government officials?
Malapit na ang May 2013 elections. Sana naman marapatin nating pumili ng mga opisyales na ang hangarin ay palaguin ang ating mga gubat at hindi iyong layuning makitang kalbo ang ating kagubatan.