Editoryal - Kalbaryo ang trapik dahil sa paghuhukay
NATUTUWA kami dahil sinisikap ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na magampanan ang kanilang tungkulin sa sambayanan. Kung ikukumpara sa mga nakaraang administration, mas maraming nagawa ang DPWH ngayon. Pero kahit anong galing ng isang departamento, mayroon ding kahinaan at kapalpakan. At isa sa masasabing kahinaan ng DPWH ay ang mabagal na pagsasaayos ng mga kalsada. Maraming hinukay na hanggang ngayon ay nakatiwangwang at maaring abutin ng tag-ulan na magiging dahilan ng trapik. Mas magiging matindi ang problema sa trapik kapag inabutan ng pagbubukas ng klase sa Hunyo 4.
Sabi ng DPWH nang umpisahan ang mga paghuhukay noong Mahal na Araw, sasamantalahin umano nila ang mainit na panahon para mai-sagawa ang mga pagsasaayos sa mga kalsada. Titiyakin umano nilang matatapos bago magtag-ulan ang mga pag-aayos sa mga kalsada. Mahigit umanong 50 proyekto ang isinagawa ng DPWH sa Metro Manila.
Pero ang pangako ng DPWH ay hindi nga nagkatotoo sapagkat nagsisimula na ang pag-ulan. May mga kalsadang tinibag sa Maynila na hanggang ngayon ay hindi pa sinisementuhan. Halimbawa ay ang Laon-Laan St. at A. Mendoza St. sa Sampaloc, Maynila na matagal nang hinukay pero hanggang ngayon ay hindi pa natatapos. May hinuhukay din sa ibaba ng Dimasalang Bridge pero masyadong mabagal ang pagtatrabaho.
Bukod sa paghuhukay ng DPWH, naghuhu-kay din ang Maynilad Water at iba pa.
Bilisan ang pagtatrabaho. Tapusin ang paghuhukay. Ipangako na bago magsimula ang klase at pagbuhos ng ulan ay malinis na ang mga kalye sa anumang hadlang sa trapiko.
- Latest
- Trending