SA isang bansang nalulunod sa mataas na alon ng pulitika at inaanod ng malakas na agos ng negatibismo, ang pinakamalaking balita nitong mga nakaraang araw ay hindi ang testimonya ng isang Punong Mahistrado sa sarili nitong Impeachment trial at hindi rin ang pagpadala ng Tsina ng karagdagang mga barko sa Panatag Shoal. Sa lahat ng tahanan, tanggapan at tipunan, wala nang mas pinag-usapan kaysa sa bulinggit nating kababayan na pinaapoy ang damdamin ng mundo sa kanyang kampanteng tinig, sa kapusukan ng kanyang paniwala, sa integridad ng kanyang kakayahan at sa angking tapang at lakas ng loob sa harap ng umaapaw na balakid. Pilipinas, ang 2nd placer sa American Idol competition na Valedictorian sa puso ng lahat ng Pilipino sa mundo, ang anak, ate, pamangkin at pinsan na ipinagmamalaki nating lahat – si Bb. Jessica Sanchez.
Kung may nagdududa pa sa angking talento ng Pilipino sa larangan ng sining, lalo na sa pag-awit, sobra-sobra ang nagawa ni Jessica upang pawiin ang lahat ng ito. Napakalaki ng entablado na ibinigay kay Jessica upang magpakita ng gilas. At hindi niya sinayang ang pagkakataon – hindi niya binigo ang lahat ng pangarap at ambisyon ng kanyang kababayang tangan ng kanyang malinggit na balikat. Hindi lamang Pilipino ang humanga sa inabot ni Jessica. Maging ang higanteng American Music Industry, ang pinakamalaki at pinakamahirap pasuking larangan ng musika sa buong mundo, ang natulala. Ang Pinay na si Jessica ang pinakabagong idolo ng lahat at siyang pinakasikat ngayong kababayan sa mundo.
Sa panahong ito kung saan – katulad ng napakahabang heat wave na dinanas – ay uhaw na uhaw ang Pilipino sa inspirasyon, sa balitang positibo na hahango sa atin sa ilang buwan nang negatibong realidad, ang tagumpay ni Jessica ay pareho rin sa ulan na hinihintay dahil nagdadala ng ginhawa. Ito’y tanda na ang karimlan ay hindi panghabang panahon at lagi itong susundan ng bukang liwayway.