Insp. Elias Dematera, lumalambat ng wanted
MAY katwiran si PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome na ipag-utos sa mga pulis ang pagtugis sa mga wanted na kriminal ng bansa, dahil habang nakakalaya ang mga ito ay patuloy na nakapambibiktima at ang nasisira ay ang kanyang liderato. Lahat ng police provincial director ay tinokahan ni Bartolome ng tig-200 wanted persons bawat buwan, subalit mukhang moro-moro lang ang ikinilos ng mga ito dahil patuloy pa ring namamayagpag ang mga salarin at lumulobo ang kriminalidad. Kaya ang hinala ng sambayanan may mga patong ang ilang matatakaw na pulis sa mga illegal recruiters, drug pushers at mga gun for hire. Ito ang dapat na pagtuunan sa ngayon ni Bartolome kung talagang seryoso siya sa kanyang tungkulin.
Paano mabibigyan ng hustiya ang mga nabiktima kung patuloy na malamya ang kampanya ng PNP laban sa wanted persons. Ang masakit pa, kadalasan ang mga wanted ay malayang nakalalabas sa kanilang piitan matapos makapaglagak ng piyansa at balik na naman sa kanilang mga tiwaling gawain. Kasi nga kulang-kulang ang pagproseso sa asunto ng mga arresting officer kaya pagdating sa piskalya ay naliligwak ang kaso. Karaniwan tuloy ang hepe mismo ng mga pulis ang nababalikan ng galit dahil sa pagkaka-release ng wanted persons. At ito ang madalas na dahilan kung bakit tinatamad na ang ilang pulis na manghuli ng mga wanted.
Ngunit dito sa Manila Police District (MPD) ay kakaiba na ang sistema ng Warrant and Subpoena Section na pinamumunuan ni Inspector Elias Dematera Jr. Mula nang manungkulan si Dematera noong Feb. 24, 2012, araw-araw siyang nagta-turnover ng wanted persons sa Manila City Jail. Hindi pamemera ang lakad niya at kanyang mga tauhan. Trabaho nila ang paghuli at pagpapakulong ng wanted persons upang tugunan ang matagal ng kahili-ngan ng mga nabiktima.
Mapalad si MPD director Chief Supt. Alejandro Gutierrez at may isang Inspector Dematera na matapang at hindi mukhang pera sa paglambat ng mga wanted sa Maynila. Bilang patunay sa kanyang kasipagan, bibigyan ko kayo ng ilang tao na humihimas ngayon ng rehas sa Manila City Jail: Vicente Ilustre, may kasong illegal recruitment; Melencio Almonte II at Daniel Manuel, no bail sa murder; Carlo Aguda, commercial photographer na may kasong rape; Donald Ancheta, may seven counts ng lascivious conduct at Leung Wai Kwong alias Michael Leung, no bail sa qualified theft.
Ilan lamang iyan sa mga inilagak ni Dematera sa Manila City Jail at sa palagay ko, kaya pang higitan kung pagpupursigehan ang kanilang trabaho. Abangan!
- Latest
- Trending