Malingering?
ANG paliwanag ng diksyonaryo sa salitang Inggles na “malingering” ay pagsasakit-sakitan o ginagawang eksa herado ang nararamdamang sakit. Iyan ang naglalaro sa isip ng marami sa pangyayari sa Senado kamakalawa.
Bakit daw kailangang sabihin ni Chief Justice Renato Corona sa pagsisimula ng kanyang testimonia sa Senado na siya ay “diabetic” simula pa noong 1986? Napuna ko rin ito sa napakahabang opening remarks ni Corona. Ilang ulit siyang sinabat ni Presiding Senator-Judge Juan Ponce Enrile upang pagsabihang maging diretso at walang ligoy sa kanyang mga pahayag. Gayunman pinagbigyan na lang siya.
Ano ang relevance ng kanyang pagiging diabetic sa kasong kinakaharap niya? Maganda na sana ang pahayag niya. Ramdam ko’y may mga taong bumaling ang simpatiya sa kanya. Ngunit biglang nasira ang lahat ng magandang diskarte nang siya’y biglang mag-walkout matapos lagdaan ang conditional waiver na nagpapahintulot sa gobyerno na busisiin ang kanyang mga peso at dollar account sa banko. Pero ang kondisyon pala nito’y isusumite lamang niya ang waiver kung pipirma rin ng ganito ang lahat ng mga mambabatas na nagdiin sa kanya sa impeachment.
Pagkatapos, tumayo siya at sinabing “the chief justice wishes to be excused,” sabay labas ng bulwagan kahit wala pang permiso ang korte. Bagsak lahat ang ano mang simpatiyang nakuha niya sa tao kung mayroon man.
Yun pala’y bumaba daw ang blood sugar niya. Inakala ng marami na yun pala ang dahilan kung bakit kinaila-ngang sabihin niyang diabetic siya. Para daw scripted. Siguro nga’y bumaba ang blood sugar level pero hindi pala siya nananghalian eh. 20 taon na siyang dayabetiko at alam niya na masamang magutom. Kung nagbaon man lang siya ng ilang pirasong candy maiiwasan ang hypo glycemia.
Ngayo’y naka-confine si Corona sa Medical City at nasa ICU. Kailangan daw siyang obserbahan sa loob ng 48 oras anang kanyang mga doktor. Pati si Senate President Enrile ay duda na baka ito’y isa lamang delaying tactic. Kaya ang Senado ay may babala na kung hindi lilitaw si Corona hanggang Biyernes, mawa walang saysay ang ginawa niyang testimonya at magkakaroon na ng oral arguments hanggang ibaba ang hatol sa kanya. Sinayang ni Corona ang magandang oportunidad. O baka naman hindi niya talagang kayang tindigan ang mga pahayag niya kaya umiiwas matanong.
- Latest
- Trending