MALAKING sorpresa ang ginawa ni CJ Renato Corona nang pumirma siya ng waiver na nagpapahintulot sa pamahalaan na busisiin ang lahat ng kanyang mga bank deposits. Ito ay ginawa niya sa mismong witness stand sa Senado. Aba okay ito, ika ko sa sarili. Pero may kondisyon pala ito bago niya isumite. Na dapat ding pumirma ng waiver ang lahat ng mga nag-aakusa sa kanya para busisiin din ang kanilang mga yaman sa banko.
Lalo pang nasayang ang naunang magandang diskarte ni Corona nang tumayo siya at nag-walk out, bagay na ikinagalit ni Enrile. Sayang. Akala ko pa naman pumuntus na siya ng malaki. Kung tutuusin, naging maluwag ang Senate impeachment tribunal kay Chief Justice Corona na humarap kahapon sa paglilitis para pabulaanan ang lahat ng mga paratang sa kanya. Maraming objection ang prosekusyon pero laging overruled. Binayaan ni presiding Senator-Judge Juan Ponce Enrile si Corona sa kanyang mahabang opening statement pati na ang pag-upak niya kay Presidente Aquino.
Aniya, ang mga naiprisintang ebidensya laban sa kanya ay pulos eksaherado kung hindi man gawa-gawa. Dito niya binanatan si Presidente Noy na aniya’y gusto siyang matanggal sa pagka-Chief Justice dahil sa desisyon ng Korte Suprema sa isyu ng Hacienda Luisita na pabor sa mga magsasaka.
Pati si Ombudsman Conchita Carpio-Morales ay binanatan ni Corona sa aniya’y pagiging “sinungaling” sa hindi beripikadong datos mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nagsasabing mayroon siyang 82 dollar
account na naglalaman ng $10 milyon.
Napaiyak pa si Corona sa aniya’y pang-alipustang dinanas niya na nagdamay pati sa kanyang pamilya. Ano kaya ang epekto ng pagiging emosyonal ni Corona sa mata ng publiko? Aniya, “malinis ang aking konsensya.”
Sa ordinaryong paglilitis, maaaring out of order ang pahayag ni Corona pero ito nga ay isang political exercise. Last witness na si Corona at matapos ang kanyang testimonia, bibilang na lang ng ilang araw at ibababa na ang hatol. Iyan naman ang pinakaaabangan ng taumbayan.