^

PSN Opinyon

'Tsansingero' (huling bahagi)

- Tony Calvento -

MAGLAWAY KA hanggang gusto mo sa hita ng babaeng makinis lalo na’t nakasuot ito ng maigsing shorts. Ingat lang baka di mo mamalayan dugo na pala ang lumalabas sa bibig mo!

Ito ang mga katagang sinabi ko sa una kong pitak nung Biyernes hinggil sa kasong tampok ngayon.

Mariing pinabulaanan ng isang binata ang bintang na nanghipo siya.

“Paano ko naman siya hihipuan eh ni hindi ko nga siya kinausap,” wika ni Joren.

 Si Joren Sanarias, ng Marikina Heights nang kuyugin umano siya ni Jonathan Ignacio 18, anyos at labing limang (15) pang kasama nito. Panghihipo daw ni Joren sa kinakasama ni Jonathan na si Shaby ang pinagmulan ng gulo.

 HINABOL ng taong bayan. Pinagbubugbog dahil sa pambabastos kay Shaby at iba pang babaeng nasa Basketball Court.

Ito umano ang dahilan ng mga sugat na natamo ni Joren matapos niyang hipuan ang isang Shaby Franco at ilan pang nanonood ng laro sa Gem Court, Marikina City.

Nagkontra-demanda sina Jonathan ng kasong ‘Unjust Vexation’.

Base sa Sinumpaang Salaysay ni Jonathan, hindi raw totoong pinukpok siya sa ulo, pinalibutan ng kanyang mga kasamahan… tumakbo at nang abutan tinangkang saksakin. Lahat ng ito’y kasinungalingan lang daw.

Ang totoong pangyayari, ang sugat sa ulo ni Joren ay sanhi ng pambubugbog sa kanya ng taong bayan at hindi ng palo ng bote.

Lahat ng sinabi ni Joren sa kanyang sinumpaang salaysay ay wala daw katotohanan. Ang totoong pangyayari daw ay ganito:

“Habang may kinakausap ako sa loob ng basketball court sa Gem Subdivision, kasama ang aking kinakasama na si “Shaby” at mga kaibigan ko. Habang nakaupo lang sa isang tabi si Shaby, sa hindi kalayuan sa aking kinaroroonan, nakita ko na lumapit itong si Joren at narinig ko na nagtanong siya kung pwedeng kunin ang cell phone number at kung pwedeng ligawan ang kinakasama ko na si Shaby. Sumagot ito na hindi pu-pwede sabay lumayo.

Nakita kong sinundan pa rin ni Joren at pinaghihipuan sa hita si Shaby kaya ang ginawa ko nilapitan ko si Joren para kausapin ng maayos sa ginawa niyang pambabastos kay Shaby. Sa kabila nito ay siya pa ang may ganang magalit sa akin. Bigla niya akong sinuntok sa mukha kaya’t sumigaw si Shaby. Sa puntong iyon nagulat ang mga taong bayan na nadoon sa basketball court.”

Dagdag pa ni Jonathan dahil may ibang nakakita rin sa panghihipo ni Joren kay Shaby kaya’t may isang taong sumigaw na, “Manyakis!”.

Biglang dumami ang tao at pinagbubugbog si Joren ng mga tao. Tumakbo siya… hinabol siya ng taong bayan hanggang nakapagtago ito sa loob ng tindahan (bigasan). Nagpahinga lang siya ng kaunti sa loob ng tindahan. Maya-maya tumalon ulit siya mula sa tindahan at tumakbo. Doon sinugod siya ng mga tao hanggang mapuruhan.

Tumakbong muli si Joren papuntang eskwelahan hanggang makorner siya ng taong bayan. Dumating ang mga barangay tanod at dinampot si Joren. Dinala sa Barangay Parang. Dito na daw sumunod sina Jonathan para magpa-blotter kasama pa ang isang nagrereklamo na hinipuan din umano ni Joren.

Sa kabila daw ng panghihipong ginawa ni Joren kay Shaby nagawa pa daw idamay sa reklamo itong si Jonathan.

“Wala siyang ibang taong maituturo sa pangyayaring pambubugbog sa kanya. Ako lang ang pinagdidiinan niya para managot sa mali niyang paratang sa akin,” laman ng salaysay ni Jonathan.

Pinatotohanan naman ng testigo nila Jonathan na si Reynante Labaña, 18 anyos, taga-Parang Marikina.

Ayon sa kanya, isa siya sa mga nanonood sa mga naglalaro sa court. Nakita niya na hinipuan nitong si Joren si Shaby. Inakala niya na magkakailala si Shaby at si Joren at balewala lamang ito hanggang makita niya si Shaby na biglang tumayo, tinawag ang kanyang asawa at nagsumbong.

Sa lahat ng akusasyon nila Jonathan, Reynante at mismong ni Shabby sa umano’y panghihipong itinanggi ni Joren.

Tinuloy ni Joren ang kaso sa pagkuyog sa kanya. Hanggang mailabas nga ang resolusyon at ‘warrant of arrest’ para kay Jonathan.

Kasong ‘Unjust Vexation’ naman ang kasong kinakaharap ngayon ni Joren at patuloy na dinidinig sa Prosecutor’s Office ng Marikina City.

Gustong malaman ni Joren ang legal na hakbang na maari niyang gawin. Kaya’t nagsadya siya sa aming tanggapan. Maliban pa rito, gustong ipahuli ni Joren itong si Jonathan.

“Ako ang napuruhan. Ako ang nabugbog. Ngayon ako pa ang nakademanda? Hindi ako nanghipo… nadapa lang ako kaya’t napadantay ako kay Shaby…” giit ni Joren.   

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat”, ng DWIZ 882 KHZ(tuwing 3:00-4:00)ang istorya ni Joren.

Bilang tulong, pinayuhan namin si Joren na kumuha ng kopya ng ‘ALIAS WARRANT’ para kay Jonathan. Alamin kung nakapag-bail na ba ito at kung hindi tutulungan namin siyang ipahuli ang suspek,

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, diresto naming tinanong si Joren kung iisa ang babaeng tinanong niya kung pwedeng ligawan at ang babaeng umano’y hinipuan niya?

Sa salaysay kasi nitong Shaby sa barangay, sinabi nito na una na siyang nilapitan nitong si Jonathan habang naglalakad na kung pwede ba daw siyang maligawan.

Ang nanay ni Shaby ang nagsabing, ‘hindi pwede may asawa na anak ko’! Maraming pagkakaiba ang salaysay na ibinigay ni Joren sa mga pulis at sa kwento niya sa amin. Tinanong namin siya kung bakit paiba-iba ang kanyang pahayag at ayon sa kanya masakit pa ang tama ng bote sa kanyang ulo nang kuhanan siya ng salaysay sa pulisya.

Maraming butas sa pahayag ni Joren kaya’t hindi namin maiwasang isipin na maari talagang may hipuan ngang nangyari kaya’t nagalit ang boyfriend o asawa na si Jonathan.

Maaring may pagka-malisyoso itong si Joren sa babae kaya’t bugbog ang inabot niya kina Jonathan.

Sa kabilang banda kung nanghipo nga itong si Joren hindi naman tama na bugbugin siya at ilagay ang batas sa kamay ng isang grupo at kuyugin siya (lynching mob). Meron tayong batas kung saan maa­ring ireklamo ang ginawa ni Joren. Kung napatay nila ito sa bugbog di ang laking kaso niyan?

Makikitaan nga ng ‘probable cause’ ng taga-usig itong reklamo ni Joren dahil may medical certificate siya na magsasabi na bugbog sarado siya.

Ang magandang gawin nitong si Jonathan ay sumuko dahil may mga magagaling na abogado ang Public Attorney’s Office na maa­ring madepensa siya sa korte keysa nagtatago siya!

 (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166 o 09198972854. Landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Address 5th floor City State Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

* * *

Follow us on twitter: Email: [email protected]

JONATHAN

JOREN

KUNG

MARIKINA CITY

SHABY

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with