ANG Private Investigator o Private Eye ay mga lisensyadong indibidwal na inaarkila para magsasagawa ng imbestigasyon. Kadalasan sa mga nagiging Private Investigator ay dating alagad ng batas dahil na rin sa kanilang kaalaman sa pag-iimbestiga.
Kamakailan lamang ay nahulog sa patibong ng BITAG at CIDG-NCR si Ronald Allan Sison alias ‘Dr. Heart’, isang Disk Jockey sa isang kilalang FM station sa Dagupan, Pangasinan.
Naaresto si Dr. Heart matapos dumulog sa tanggapan ng BITAG ang isang nagrereklamo. Ayon sa biktima, tinatakot siya ni Dr. Heart na nagpakilala bilang isang Private Investigator.
Unang nakausap ng biktima si Dr. Heart nang maghanap ito na isang Private Investigator. Dahil na rin sa pangangailangang mapadali ang pagreresolba ng kaso ng pagkakapatay sa kanyang anak, kinagat ng pobreng biktima ang pain ni Dr. Heart.
Magaling sa boladas si Dr. Heart kaya naman napapaniwala nito ang biktima. Kaliwa’t kanan ang panghuhuthot nito sa kanya. Halagang P450,000 ang hiningi ni Dr. Heart sa biktima para sa mobilization fee at VIP security nito.
Subalit, makailang ulit na ang kanilang pag-uusap, wala pa ring linaw ang kaso ng pagkamatay ng kanyang anak.
Katwiran ni Dr. Heart, hindi siya makakapagbigay ng impormasyon hangga’t hindi naibibigay ang kabuuang kabayaran sa kanya. Agad namang humingi ng tulong ang biktima sa BITAG.
Ilang araw matapos mahuli si Dr. Heart sa entrapment operation, nakalaya ito sa pamamagitan ng piyansa.
Isang e-mail ang natanggap ng BITAG mula sa isang concerned citizen sa Pa-ngasinan.
Ayon dito, patuloy pa rin ang programa ni DR. Heart sa FM station matapos itong makalaya at ipinalalabas nito na isang set-up ang ginawang entrapment laban sa kanya.