EDITORYAL - Kung kailan nakasibat saka ngumangakngak
KUNG kailan nakalabas na ng bansa, saka gumagawa ng paraan ang mga opisyales ng Department of Foreign Affairs (DFA) para makasuhan ang Panamanian diplomat na nanggahasa ng isang Pinay kamakailan. Saka dun lamang kumilos ang Senado at nagkaroon ng pagdinig ukol sa nangyaring panggagahasa sa kawawang Pinay. Mariin ang pagtatanong ni Senator Vicente Sotto sa opisyales ng DFA kung ilan ang mga diplomat na may diplomatic immunity at hindi maaaring kasuhan kahit na anong kasalanan ang gawin kahit ang panggagahasa. Ayon kay Sotto, pinuno ng Committee on Foreign Affairs na dapat ihayag ng DFA ang lahat ng diplomat na hindi maaaring kasuhan kapag may nagawang kasalanan sa bansa. Walang maibigay na pangalan ang DFA.
Kung kailan nakalabas na ng bansa ang diplomat na si Erick Bairnal Shcks, saka marami ang nagkukumahog para siya imbestigahan o para pagbayarin sa ginawang pangre-rape sa 19-year old na Pinay. Ayon sa Pinay, kinaibigan siya ni Shcks at nang makuha ang kanyang loob ay ginahasa siya nito sa tinutuluyang bahay. Nang ireklamo niya si Shcks agad itong nakalabas ng bansa. Hindi raw maaaring kasuhan si Shcks sapagkat mayroon itong diplomatic immunity. Sinamahan pa si Shcks ng Panamanian ambassador sa NAIA at mabilis na nakalabas ng bansa. Ang ginahasang Pinay ay nawasak ang puri at hindi na makakatikim ng hustisya.
Ilan pa nga kayang diplomat ang may immunity at hindi maaaring kasuhan kahit pa manggahasa at pumatay sa Pilipinas. Hindi maganda ang patakarang ito at dapat lamang na gumawa ng hakbang ang mga mambabatas kung paano ito maipapawalambisa. Mga Pilipino ang talo sa patakarang ito. Tiyak na humahagalpak sa tawa ang Panamanian na nanggahasa sa Pinay. Libre na siya sa ginawang katampalasanan.
- Latest
- Trending