SUNUD-SUNOD ang mga nangyayaring krimen. Kahit saan ay patuloy ang mga pagpatay at wala nang kinatatakutan ang mga criminal. Pawang magkaangkas sa motorsiklo (riding-in-tandem) ang mga suspect na hindi mahagilap ng mga pulis. Mas mabibilis ang mga “riding-in-tandem” kaya wala nang inaabutan ang mga alagad ng batas sa pinangyarihan ng krimen.
Noong Huwebes, dalawang katao na naman ang pinatay ng “riding-in-tandem” at kagaya ng dati, hindi rin nadakma ang mga suspect. Makaraang patayin ang isang abogado at kanyang kliyente, mabilis na tumakas ang “riding-in-tandem’’ at tiyak na hindi na sila mahuhuli ng mga pulis. Mapapabilang sa unsolved cases ang pagpatay sa abogado at kanyang kliyente. Ang napatay ay si Atty. Lysandro Sanchez at kanyang kliyente na si Police Officer 1 Ronnel Coquia. Pinatay sila sa Bgy. Tikay, Malolos, Bulacan Galing sa hearing ang dalawa ng tamba-ngan ng “riding-in-tandem”.
Noong nakaraang linggo, pinatay din ng “riding-in-tandem” ang isang opisyal ng EARIST sa Pureza St. Sta. Mesa, Manila. Galing sa school si Noel Cabrera, 46, vice president ng EARIST nang tamba-ngan ng mga naka-motorsiklong lalaki at pagbabarilin. Makaraang barilin, mabilis na tumakas ang mga nakamotorsiklong lalaki. Nawala sa dilim. Isinugod sa ospital si Cabrera pero namatay din. Hanggang sa sinusulat ang editorial na ito, nananatiling blanko ang pulisya sa nangyaring krimen. Maaaring mapabilang din sa unsolved cases ang nangyari.
Mga naka-motorsiklong lalaki rin ang bumaril at nakapatay sa isang businesswoman sa Maysan, Valenzuela City noong Huwebes. Galing sa court hearing si Christine Gamboa, 34, nang tambangan ng dalawang lalaki dakong 9:40 ng umaga. Mabilis na tumakas ang mga salarin. Isinugod siya sa ospital pero namatay din pagkaraan ng isang oras dahil sa mga tama ng bala sa ulo at katawan. Blanko ang mga pulis sa krimen. Maaaring mapabilang din ito sa mga nakatambak na kaso na ang may kagagawan ay “riding-in-tandem”.
Kaliwa’t kanan ang mga krimeng nangyayari ngayon na dulot ng “riding-in-tandem’’. Makakaya pa kaya ng PNP na putulan ng pangil ang mga kriminal na magkaangkas sa motorsiklo? Ipakita ng PNP ang kakayahan nila laban sa mga kriminal na ito. Proteksiyunan ang mamamayan.