Nang hindi masanay
SA layo na ng naabot ng Corona impeachment trial, sa dami ng nadagdag nito tungo sa pag-unawa ng ating mga batas at institusyon, at sa tindi ng mga emosyong siniklaban kontra at pabor, minabuti kong magbalik sa umpisa at sariwain kung paano nga ba nagsimula ang madugong kabanata sa kasaysayan ng ating pamahalaan.
Muli kong binisita ang impeachment complaint na inihain ng 188 kongresista noong Pasko. Nagulat ako nang makita na ang kasalukuyang sentro ng talakayan – ang kanyang dollar accounts daw na hindi maipaliwanag – ay wala sa ni isang paratang ng reklamo. Sa Article 2 ay tanging ang hindi pagdeklara ng assets and liabilities ang pinag-uusapan. May suspetsa raw na merong ill-gotten wealth at mga itinatagong bank deposits subalit ito’y suspetsa lang at mismong Senado ang nagpasyang hindi sila tatanggap ng ebidensiya ukol dito. Sa lahat ng akusasyon laban kay CJ Corona, itong Article 2 ang pinaka-“payat” – nagkasya sa isang pahina lang sa kabuuhang 57 pages ng reklamo.
Sa kabila nito ay mayorya ng panahon ng paglilitis ay inubos na sa pagdinig ng ebidensiya tungkol sa ill-gotten wealth at, ngayon, sa dollar deposits. Marami ang napapailing sa kung paano humantong sa ganito ang paglilitis. Itong nakaraang mga araw ay nakinig ang lipunan nang pinasabog ni Ombudsman Carpio-Morales ang mga detalya ng foreign currency accounts na kusang sinumite sa kanyang tanggapan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC). Paano rin hinayaan ng Senado ang kanyang testimonya gayong malinaw sa batas na maari lamang i-release ang mga rekord na ito kapag may kautusan galing sa isang hukuman?
Paliwanag ng Senado ay hindi pa naman napapagdesisyunan kung papayagang ipasok sa rekord ang mga testimonya ng Ombudsman – ibig sabihi’y maari rin itong ibalewala. Sana ganoon na nga. Mapatunayan man ang mga paratang laban sa akusado, kapag ang paraang ginamit ay labag sa tamang pamamaraan – hindi pa rin magiging katanggap tanggap ang kalalabasan.
Ang intensyon ng batas sa pagbawal ng paggamit ng ebidensiyang nakalap sa maling paraan ay upang huwag masanay ang gobyerno na dinadaan sa lakas imbes na daanin sa katwiran ang obligasyon nitong patunayan ang mga paratang. Tulad nang madalas kong isulat sa kolum, ang impeachment ay isang search for truth. Kasing timbang ng katotohanang hinahanap ay ang paraang ginamit upang ito’y nakamit.
- Latest
- Trending