EDITORYAL - Magkaisa at idepensa ang sariling pag-aari

NGAYON nararapat ipakita ng mamamayan ang pagkakaisa laban sa ginagawa ng China na pag-angkin sa teritoryo na hindi naman sa kanila. Nararapat tumindig ang lahat at ipamalas sa China na buo at nagkakaisa ang mga Pilipino para idepensa ang Panatag Shoal o Scarborough Shoal. Kapag nakita ng China na sama-sama ang mga Pilipino at handang ipaglaban ang Panatag Shoal, baka hindi na igiit ang kanilang pag-angkin na wala naman sa katwiran. Baka sakaling matanggap na nila na mali nga sila sa pag-angkin sa teritoryo ng Pilipinas. Baka mapag-isip-isip nila na napakalayo ng China sa Panatag Shoal at wala nga silang karapatang makipag-agawan dito. Ang Panatag Shoal ay 124 nautical miles mula sa Zambales kaya malinaw na pag-aari ito ng Pilipinas.

Walang matibay na pinanghahawakan ang China na sakop nila ang Panatag Shoal. Ang pinagbabasehan lamang nila ay historical claim at ang ganitong basehan ay hindi pinaniniwalaan ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Noong 1903, isang map ang ginawa ng United Armed Forces at doon ay kabilang ang Panatag sa mga grupo ng isla na pag-aari ng Pilipinas. Nakakakuha ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng kopya ng map at maaari itong ipresentang ebidensiya na sakop nga ng Pilipinas ang Panatag.

Lumulubha ang sitwasyon ukol sa pag-aagawan sa Panatag Shoal. Halata naman ang ginagawa ng Chinese authorities na panggigipit sa produktong galing sa Pilipinas. Hindi na pinapasok ang 1,500 container vans ng saging at hinayaan na itong mabulok sa tatlong port. Umano’y may peste raw ang mga saging. Pinabulaanan naman ng Bureau of Plant Industry ng Pilipinas na may peste ang saging.

Walang magagawa kung tanggihan ng China ang produktong Pinoy. Hindi sila mapipilit. Mas mabuti kung huwag nang ipilit sa kanila ang mga saging at papaya. Maghanap na lang ng ibang bansa na pagdadalhan ng mga produkto. Hindi lang naman China ang nangangailangan ng saging. Huwag silang pilitin.

Ang mahalaga, ipakita ng mga Pilipino sa China na idedepensa ang teritoryo sapagkat nakasi­sigurong pag-aari ito ng Pilipinas. Magkaisa at ipaglaban ang karapatan.

Show comments