Ipit na si Corona
HAHARAP na raw sa impeachment court si Chief Justice Renato Corona sa susunod na linggo. Ano kaya ang scenario? May lulutang kayang “Jose Pidal” para sabi-hing siya ang may ari ng $10 milyong deposito sa banko ni Corona? May bitbit kayang ebidensya si Corona para patunayan na ang ipinaparatang sa kanya ay pawang mga “lanterns of lies”?
Malaking bagay ang pagsulpot ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa Senado para ibunyag ang may 82 accounts ni Corona na hindi deklarado sa Statement of Assets and liabilities ng huli. This gives Corona no choice but to face the court dahil siya lang ang makapagpapaliwanag sa usaping ito at hindi ang kanyang mga abogado.
Pero ito ang naobserbahan ko. Sa testimonya ni Morales, kabilang sa malalaking withdrawals na ginawa ni Corona ay noong nakaraang dalawang eleksyon (2004 at 2007) bukod pa sa malaking withdrawal nang malapit na siyang ma-impeach. Ummm, sinong pulitiko ang nakinabang? Hindi naman kumandidato si Corona ah. Your guess is as good as mine. Sasabihin siguro ng iba maliit ang $10 milyon pero posible ring isa lamang si Corona sa maraming pinaglagakan ng kayamanan. May kasabihan na “don’t put your eggs in one basket.”
Nagsusuri lang tayo at bahala ang Senado na magbaba ng hatol. Kay Corona nga kaya ang lahat ng salaping nasa naturang account o ginawa siyang dummy ng kaalyadong pulitiko? Naniniwala rin ako na naging patas tayo sa mga naisulat na natin sa pitak na ito dahil pati ang side ng kampo ni Corona ay binigyan natin ng daang maihayag sa maraming pagkakataon.
Pero dummy man o totoong siya ang may-ari, may malaki siyang pananagutan sa batas kung totoong nasa pangalan niya ang mga kinukuwestyong bank accounts. At this point, binibigyan ko pa rin ng benefit of the doubt ang Punong Mahistrado.
Nasa kamay na niya ngayon kung makakahulagpos siya sa usaping ito o hindi at iyan ay depende sa idedeklara niya pagharap sa Senado.
It will be to Corona’s good kung matapang siyang haharap sa korte para idepensa ang sarili. Ang sabi niya puro kasinungalingan ang mga paratang sa kanya kaya iyan ang patunayan niya sa harap ng mamamayan.
- Latest
- Trending