IBANG taktika na ang ginagamit ng China laban sa atin, kaugnay ng sigalot sa Scarborough Shoal. Nauna na ang pagtigil ng mga travel agent sa China ng mga biyahe patungong Pilipinas. Ang dahilan nila ay baka malagay daw sa perwisyo ang kanilang mga turista dahil nga sa bangayan sa Scarborough Shoal. Ang isa pang taktika ay ang pagtigil ng mga kalakal na nanggagaling ng Pilipinas. Una na rito ang mga saging na pinabubulok na sa kanilang mga pantalan. At patuloy pa rin ang pagpasok ng “hackers” sa ating website tulad ng TESDA at ibang paaralan. Binabastos ang home page ng mga nasabing websites! Sampal sa mukha natin ito. Ang tanong, may magagawa ba tayo?
Kaya nangangamba na rin ang mga negosyo na nagpapadala naman ng mga kalakal sa China. Bukod sa baka itigil ng kanilang mga kanegosyo ang pagbili ng mga kalakal bilang suporta sa pag-angkin ng China sa nasabing lugar sa karagatan, baka hindi naman sila bayaran kung ipapadala man nila. Pero mas marami namang produktong China ang pumapasok sa Pilipinas kaysa palabas. Kapag tiningnan ang karamihan ng mga pang-araw-araw na gamit natin, makikita na gawa sa China ang mga ito. Kaya kung sakaling tumigil nga ang kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa, mas malaki ang mawawala sa China kaysa Pilipinas, pero mawawalan naman tayo ng mga murang kagamitan na gawa sa China!
Baka maging mas malawak pa ang mga aksyon ng China laban sa Pilipinas sa mga darating na linggo, kung wala pang mapagkasunduan hinggil sa Scarborough Shoal. Sa ngayon, halos kontrolado na nila ang lugar, sa dami ng mga barko at mangingisda na naroon. At tila wala tayong magawa kundi panoorin na lang sila. Ang mga mangingisda naman natin ay hina-harass ng mga Tsino, sa pamamagitan ng pag-ikot sa kanilang bangka. Armado, bagama’t hindi naman daw tinututok sa kanila, pero sapat nang mensahe na hindi sila puwedeng mangisda roon. Sino naman ang may gusto ng ganung klaseng pakikitungo? Patungo na ba tayo sa isang digmaan, digmaan na wala tayong pag-asang manalo? Ano na ang gagawin natin kung ayaw na talagang idaan sa diplomasya ang sitwasyon?