SA wakas ipinangako ng pangalawang pinaka-senior defense counsel ni impeached Chief Justice Renato Corona na tetestigo siya sa paglilitis sa Senado. Ilang linggo itong kinontra sa media ni chief defender Serafin Cuevas, pero inanunsiyo ni deputy Judd Roy nu’ng Martes ang umano’y pasya ni Corona na dumalo. Napuno na raw kasi si Corona sa mga nalalathalang umano’y tagong yaman niya, anang isa pang abogado niyang si Ramon Esguerra.
Hindi lang daw ang mga ipinaratang ng congressmen-prosecutors -- ang pagpapababa at pagtatago ng taunang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth — ang tutuligsain ni Corona. Pati raw ang mga nabunyag na pag-aari niyang bahay sa California at tagong yaman na $10 milyon (P425 milyon) ay pabubulaanan. Hagip na rin ang limang dollar accounts na pinatotoha-nan ni Philippine Savings Bank president Pascual Garcia (bagama’t hindi ibinunyag ang nilalaman na deposito).
Nagbigay ng kundisyon ang defense sa pagtestigo ng kliyenteng Corona. Dapat daw paharapin muna sa Senado bilang hostile (kaaway na) witness sina Ombudsman Conchita Carpio-Morales at ang anim na tao na naghabla kay Corona ng ill-gotten wealth.
Sana, maliban sa kundisyon na ito, wala nang ma-ging balakid sa pagtestigo ni Corona. Siya lamang kasi, sa palagay ng senator-judges at mga batikang abogado, ang makakapag-liliwanag ng mga tila anomalya sa daan-daan-milyong-pisong ari-arian. Hindi sana totoo na pipigilan si Carpio-Morales ng mga mayoryang katoto ni Corona sa Korte Suprema sa pag-iimbestiga sa Chief Justice. Sana huwag isikreto ni Corona ang laman ng dollar accounts niya; maari naman niya mismo itong ibunyag, tulad ng waiver niya sa likod ng SALNs. Tapusin na ang paglilitis!
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com