Di lang saging, pati papaya at pinya damay!
SUMISIGAW na ng “tulong!” ang mga growers at exporters ng saging dahil sa hindi pagtanggap ng China ng mga shipment na saging galing Pilipinas may dalawang buwan na ang nakararaan. Umabot na P1.5 billion ang lugi pagkaraan na P174-million ang halaga ng banana exports na hindi pinapatuloy ng China kada linggo.
Kaya di maiwasang nasa panic mode na ngayon ang Pilipino Banana Growers and Exporters Association (PBGEA) lalo na at wala silang nakikitang liwanag sa dulo ng tunnel sa susunod na mga araw. Nagsimulang hinarang ang shipment na saging ng Sumifru noong March 5 at nang ito ay naayos na, nasundan naman ito ng pangalawang notice na kung saan kasali na ang may 43 companies na bawal nang mag-export ng saging sa China nitong nakaraang May 4.
Ang China ang pinakamalaking market ng ating Cavendish banana. One-fourth sa market ng Philippine bananas ay ang China kaya kung ito ay mawala, nangangahulugang babagsak ang banana industry ng Pilipinas.
Ngunit ngayon na nagkaroon ng tension ang China at ang Pilipinas dahil sa issue ng Scarborough Shoal, nadamay na rin ang pagpadala ng ating saging na nanggagaling pa ng Timog Mindanao.
May tinatayang higit 1,550 40-footer container vans ng saging ngayon na nabubulok sa iba’t ibang pantalan ng China. At ilang libo pang mga pananim na saging dito na dapat na ring i-harvest upang mapadala sa China.
Sinasabi ng PBGEA na siguradong babagsak ang industriya ng saging pagtuluyang mawala ang China market.
Wala na ngang ibang mapuntahan ang ating Philippine banana dahil ayon sa PBGEA masyado nang saturated ang world market. Dami na nating kakompitensiya.
Ngayon may mas malaki pang problema. Ito ay ang pagbabawal na rin ng China ng export ng papaya at pinya na galing sa Pilipinas.
Damay na rin ang pinya at papaya. Saan na patutungo ngayon ang ating mga kababayan na nakasalalay sa saging, pinya at papaya ang kanilang mga pangkabuhayan?
- Latest
- Trending