Facebulok
MAY mga ibang kaugalian na mahirap na talagang mahinto o pigilin. Lalo na kapag pulitiko sa panahon ng halalan. Ang alam ko, ayaw na ni P-Noy yung ugali ng mga pulitiko na naglalagay ng kanilang mga larawan at pangalan sa halos lahat na lang ng bagay na maisipan. Sa mga opisyal na sasakyan, sa mga proyekto para sa komunidad at barangay, sa mga piyesta o liga at palaro, mga dingding at poste ng distrito o siyudad, at huwag nating kalimutan sa mga tolda at trak kapag may kalamidad, kasama na ang mga supot ng tulong, at mga burol! Palagi na lang may banggit ng pangalan o larawan ng opisyal o pulitiko. Facebulok siguro puwede nating itawag sa ganitong kaugalian!
Lumalabas na ganun lang talaga ang estilo ng karamihan ng mamboboto. Inaalala lamang yung mga nakikita o natatandaang pangalan at mukha ng mga pulitiko. Hindi na bale kung siya ay mabuti o masamang tao, edukado o hindi, mahirap lapitan o hindi, may malasakit sa komunidad o wala, maganda ang plataporma o hindi. Basta natatandaan na lang na nagpadala ng ganito o ganun, o nagpagawa ng ganito o ganun, nagbigay ng ganito o ganun. Ganun na lang ba palagi?
May paalala rin si DPWH Sec. Rogelio Singson sa lahat ng pulitiko na bawal ang maglagay ng kanilang mga pangalan o larawan sa anumang kagamitan ng DPWH, pati na ang maglagay ng kanilang mga sariling billboard katabi ang mga opisyal na karatula ng DPWH, na tila sila ang may pakana ng anumang proyekto ng DPWH! Siguro may mga sumisimple ngayon pa lang, kaya napansin ni Singson. Kung ako ang tatanungin, dapat gawing batas na iyan at pagbawalan na ang ganyang klaseng pangangampanya. Dapat kinikilala nang husto ang mga kandidato, kung sila’y tunay na maglilingkod at hindi lamang sa tuwing may halalan lamang. Dapat siguro magbigay ng talumpati muli si P-Noy ukol sa mga ganitong kaugalian, pati na yung mga wang- wang na unti-unti na ring bumabalik sa ilang mga pasaway na kulang sa pansin.
Isang sitwasyon lang ang naiisip ko na mabuti na lang at banidoso at kulang sa pansin ang isang pulitiko. Ito yung paglagay ng pangalan ni Ampatuan sa backhoe, na ginamit sa Maguindanao massacre!
Kaya sila nahuli!
- Latest
- Trending