ANG pagpatay kay Alfred Mendiola, star witness sa murder-carjacking case ni Venson Evangelista ay isa sa pinaka-maitim na mantsa sa rekord ng Kagawaran ng Katarungan at sa kasaysayan ng justice system. Nang nangyari ang pag-“salvage” kay Mendiola, kasalukuyan itong nasa kustodiya ng DOJ Witness Protection Program (DOJ-WPP).
Walang pananagutan ang Estado na siguruhin ang kaligtasan ng mga mamamayang kusang lumulutang bilang saksi sa mga krimeng nililitis sa ating mga hukuman. Kapag hingan ang pulis ng alalay, lalo na’t kung may batayan naman para rito, dapat silang tumulong sa abot ng makakaya. Subalit kung sakaling hindi rin nila mapigil ang kamalasang sasapitin, hindi sila maaring panagutin sa ilalim ng batas. Ito’y dahil wala silang tukoy o espesyal na relasyon sa pinuprotektahang saksi na nagsasabing sagot nila ang seguridad nito sa lahat ng panahon laban sa anumang panganib.
Iba ang areglo sa kaso ng mga saksing naipasok na mismo sa DOJ-WPP. Itinatag upang mabigyan ng kumpiyansa at lakas ng loob ang mga nais tumupad sa kanilang civic duty na magbulgar ng nasaksihang krimen, ang DOJ-WPP ay kritikal at sensitibong haligi ng kampanya para sa katarungan. Oras na mapasok ka sa programa, pagkatapos ng metikulosong pagsusuri ng iyong personal na sitwasyon, ang intensyon ay ika’y makahinga nang malalim at makatulog nang mahimbing dahil ang puwersa ng mismong estado ang buma-back up sa iyo.
Malungkot at sa kaso ni Mendiola ay naipamukha kung gaano karami pa ang gagawin bago maabot nitong DOJ ang inaasam na baitang ng kahandaan para mapanatag ang lipunan. Hindi mapangangatawanan ng estado ang obligasyong proteksyunan lalo na ang mga mismong mamamayang kinupkop niya sa DOJ-WPP.
Kailangang magpaliwanag ang pamunuan ng DOJ, lalo na si Secretary Leila de Lima, na kung paanong nangyari ang ganito habang siya ang nanunungkulan. Dahil sa pagpasok niya sa DOJ-WPP ay nagkaroon ng tukoy o espesyal na relasyon sa pagitan ni Mendiola at ng Estado na ang una’y puproteksyunan. Kung hindi ito nangyari, malinaw na kailangang managot ang pamunuan ng DOJ.