Kalokohan!
MAY mga sitwasyon na dapat baguhin talaga ang batas. Katulad na lang ng kaso ng isang opisyal na taga-Panama na akusado ng panggagahasa sa isang 19-anyos na babae. Hinuli ang Panamanian, pero pinakawalan din at sinabing hindi siya puwedeng kasuhan ng kahit anong krimen dahil sa tinatawag na “diplomtic immunity”! Anong klaseng patakaran o batas iyan? Kapag ang isang dayuhan ay gumawa ng krimen sa bansa, hindi siya pwedeng hulihin at kasuhan dahil sa immunity na iyan? Aba, eh di kahit ano pala ay puwede na niyang gawin!
Pero ang diplomatic immunity ay para lamang sa mga matataas na opisyal ng isang embahada, katulad ng ambassador o consular. Sa kaso ni Erick Shcks, hindi naman siya ambasador ng Panama! Pero kahit na sino pa iyan, kapag gumawa ng marahas na krimen katulad ng rape, eh hindi na yata tama na hindi siya puwedeng kasuhan! Hindi ito simpleng paglabag sa batas trapiko o pagnanakaw ng isang bagay sa grocery o department store. Ito ay rape! Ang panggagahasa ay mabigat na krimen na dapat parusahan!
Ang nakakagulat pa ay ang Department of Foreign Affairs ang nagkumpirma na hindi nga siya puwedeng kasuhan. Sana naman may mga patakaran na kapag gumawa ng isang masamang krimen, nag-uusap na muna ang gobyerno natin at gobyerno ng dayuhan, kung ano ang puwedeng gawin para naman makamit ng hustisya ang biktima! Hindi puwede yung lumabag ka ng batas, at komo opisyal ka ng gobyerno ng ibang bansa, ligtas ka na sa prosekyusyon! Talagang hinog para sa abuso ang ganyang patakaran, katulad na nga ng ginawa nitong taong ito!
Naiintindihan ko na kailangan ng paggalang sa pagitan ng dalawang gobyerno. Mahalaga ang diplomasya kapag dalawang gobyerno na ang nag-uusap. Pero krimen na ang pinag-uusapan. Rape na ang pinag-uusapan. Kahit saang bansa, krimen ito. Krimen na dapat napaparusahan nang mabigat.
- Latest
- Trending