'Kagat ni Adan... nagmarka kay Eba'
SA ISANG MAGKARELASYON dapat magkahiwalay ang iyong propesyon at ang iyong personal na buhay. Hindi maiiwasan na darating ang panahon na mabubunggo at ikaw ay maiipit sa gitna nito.
Nagsadya sa aming tanggapan ang magkapatid na Belleza sila Joy Ann 23 anyos at Joan, 27 anyos.
Parehong nagtatrabaho sa TMMS Digital Printing Services sa ilalim ni Ma. Teresa Salvador. Si Joy Ann bilang kahera at si Joan bilang ‘graphic artist’.
Mabibigat na mga kaso ang inilalapit nila sa amin tulad ng Qualified Theft, Perjury at Moral and Exemplary Damages.
Ang lahat ng ito isinampa laban kay Joy Ann. Naawa si Joan sa kapatid kaya sinamahan niya ito sa aming tanggapan.
Nagsimula daw ang problema dahil sa boyfriend ni Joy Ann na si Marvin Ocampo. Si Marvin ay walong buwan ng ‘machine operator’ at ang sweldo ay hindi umaabot sa ‘minimun wage’ gaya ng pinag-uutos sa batas. Ito ay nasa Php 124 lang kada araw.
Ika- 20 ng Nobyembre, 2011 na-late ng isang oras na pasok si Marvin at si Joan. Nagalit daw ang kanilang amo na si Teresa.
Sumagot si Marvin at hindi ito nagustuhan ni Ma. Teressa. “Papasok kami ng alas 8:00 ng umaga papauwiin mo kami alas 8:00 na ng gabi. Wala namang bayad ang overtime!”.
Sampung piso daw ang kaltas sa sweldo nila sa tuwing sila’y male-late. Napikon ang amo nila kaya tinanggal daw nito si Marvin sa trabaho.
Ang ginawa ni Marvin ay nagsampa siya ng kasong ‘illegal dismissal’ at ‘underpayment of wages’ sa Department of Labor and Employment (DOLE) noong Disyembre.
Nauwi naman daw sa aregluhan at binayaran siya ng Php20,000.
Nagtanim ng galit itong si Ma. Teressa dahil sa insidenteng ito ayon kay Joy Ann kaya pinag-initan ito. Ito daw ang dahilan kung bakit sinampahan si Joy Ann ng kasong Qualified Theft.
Ayon sa kopya ng reklamo ni Teresa, ika-20 ng Nobyembre 2011, bandang ala 1:00 ng hapon bigla na lang daw umalis si Joy Ann. Iniwan nito ang kanyang pwesto bilang kahera sa stall nila sa ET7-J2 sa ground floor ng Benison’s Shopping Center sa Divisoria.
Umalis ito ng walang paalam. Hindi daw naisip ni Joy Ann na maapektuhan ang kanilang negosyo. Isinumbong daw siya ng isang katrabaho sa kanyang amo na siya’y umalis ng sunduin ng boyfriend na si Marvin.
Hinanapan pa daw siya ng mas mabigat na kaso ng iniutos na mag imbentaryo agad at natuklasan na nawawalan ng Php2,000 ang kanilang benta. Ipina-blotter agad ito sa barangay. Bukod doon ay nagpadala din daw si Teresa ng sulat para makapagpaliwanag itong si Joy Ann tungkol sa mga nawawalang pera. Pinababalik din daw niya ito sa trabaho ngunit hindi na siya sumipot.
Tumanggi daw si Joy Ann na tanggapin ang sulat. Binalewala daw ni Joy Ann ang mga utos ng amo na siya’y bumalik. Ito daw ang dahilan ni Teresa na nagsampa ng kaso sa National Labor Relation and Commission (NLRC) ng ‘moral and exemplary damages and attorneys fee’ noong ika- 25 ng Enero.
Ayaw daw niyang tularan itong si Joy Ann ng iba pa. Maliban pa dito nagsampa din siya ng kasong Qualified Theft noong ika- 27 ng Enero 2012.
Depensa naman ni Joy Ann, “Bwelta lang niya yun para mabawi ang pera na 20,000 na pinang areglo niya kay Marvin”.
Nung araw daw na iyon ay hindi niya alam na nag away sila Teresa at Marvin.
Nasa 168 Mall siya noon. Tumawag daw si Teresa kay Ma. Teo fista Manuel, kasamahan nila Joy Ann sa trabaho. Iniutos daw nito na lumipat si Joy Ann sa kabilang pwesto ng TMMS para ma-monitor siya.
Sinunod niya ito. Ang naka assign na manager at kahera ay si Lirio Morales. Si Lirio daw ang may hawak ng susi ng kaha. Meron naman daw CCTV Camera duon na maaring makapagpatunay kung may kinuha siyang pera sa kaha.
“Paano ako makakakuha ng pera hindi naman ako ang may hawak ng susi ng kaha. Lahat ng shop ay may CCTV camera”, sabi ni Joy Ann.
Hindi daw totoo na tinangay siya ni Marvin. Inamin niya na nag –‘walk out’ siya dahil nagkasagutan sila ni Teresa lalo na ng malaman ni Joy Ann na pati daw siya ay idadamay umano sa blotter. Nagpaalam naman daw siya sa manager na uuwi.
Puro lang daw paratang si Teresa. Wala daw siyang natatanggap na kahit anong sulat. Tungkol sa blotter wala daw nagpunta sa kanila na opsiyal ng barangay upang ipaalam ang reklamo ni Teresa.
“Hindi ko kayang magnakaw! Tatlong taon akong nagtrabaho doon kaya hindi ko sisirain ang pangalan ko para sa dalawang libong piso lang”, sabi ni Joy Ann.
Bakit hindi na siya bumalik sa trabaho? Tinanggal na daw siya ng araw na ‘yun.
Sinabi daw ni Teresa kay Joan na hindi na pwedeng makakabalik si Joy Ann sa TMMS kaya hindi na ito pumasok.
Pinigilan ni Joan ang kapatid na magsampa ng kaso sa NLRC. Nakiusap siya na huwag magdemanda dahil nagtatrabaho pa siya doon nun. Iniisip niya ang kanyang anak.
Sa kasong Perjury naman sumumpa daw kasi itong si Joy Ann ng walang katotohanan na 22 ang empleyado ng TMMS na ang dapat daw ay pito lamang.
“Sa totoo lang 25 nga kaming lahat dahil nasa limang branch ang binabantayan namin. Yung iba hindi na kay Teresa nakapa ngalan”, sabi ni Joan.
Nais ng magkapatid na mabigyan sila ng legal advice kaya sila nagsadya sa amin.
“Tulungan niyo ako. Wala naman silang ebidensiya at testigo o kaya kahit panoorin namin ang CCTV nila. Wala talaga akong ninanakaw”, sabi ni Joy Ann.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) problema ng magkapatid na Belleza.
Tungkol sa usapin na ang sweldo lang nila ay Php150 lang kada araw at sa iba pang reklamo nila sa TMMS ay inirefer namin sila sa tanggapan ni Chairman George Nograles ng NLRC upang sila ay maasistehan.
PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag tinawagan namin si Teresa. Tumanggi siyang magbigay ng panig. “May kaso na yan at hindi na dapat pinag uusapan. Sa korte na lang kami maghaharap”.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, mabigat ang kasong Qualified Theft. Kung minsan kahit na walang kasalanan ang empleyado at napikon ang employer ay sinasampahan ng pagnanakaw.
Kapag ang magkarelasyon ay magkasama sa iisang trabaho damay talaga ang lahat. Mapagalitan mo ang isa aalis din ang isa.
Titingnan ng taga usig ang bigat ng ebidensiya. Hindi rin dapat ang isang empleyado ay hindi dapat umaalis at magpaalam kayo ng maayos. Tatlong taon kayong nagsama at kung kailan dumating ang boyfriend na walong buwan pa lamang ay saka nagkaroon ng alitán sina Joy Ann at Teresa. (KINALAP NI AICEL BONCAY)
Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Follow us on twitter: Email: [email protected]
- Latest
- Trending