EDITORYAL - Sin tax bill, ipasa na

DALAWANG mahahalagang bagay ang makukuha kapag naipasa ang sin tax reform bill (House Bill 5727). Una, madagdagan ang laman ng kaban ng bansa at ikalawa, mababawasan ang maninigarilyo at iinom ng alak.

Sa ilalim ng panukalang batas, itataas ang buwis na ipinapataw sa produktong sigarilyo at alak. Papatawan ng P30 na tax ang bawat pakete ng sigarilyo. Sa kasalukuyan, pinapatawan lamang ng P12 ang bawat pakete ng sigarilyo. Ayon sa mga nagsusulong ng HB 5727, maraming beses nang nagtaas ng presyo ang sigarilyo pero maliit pa rin ang ibinabayad nilang buwis. Masyado na umanong natatalo ang gobyerno sa ginagawa ng mga cigarette companies. Ang pagtataas ng buwis ang tanging paraan para madagdagan ang revenue.

Malaki naman ang paniwala ng Malacanang na maipapasa ngayong taon ang HB 5727. Ayon sa Malacanang, ang kikitain mula sa sin tax ay gagamitin para sa health program ng gobyerno. Malaki umano ang magagawang tulong ng sin tax para sa pagsusulong ng programang pangkalusugan.

Kapaki-pakinabang ang batas na ito. Maaagaw sa pagkasugapa at pagkakasakit ang mamamayan dahil sa mga bisyo ay tataas pa ng kita. Dapat lang maipasa na ito at mapakinabangan ang kikitain. Sa dami ng mga maysakit, malaking tulong ang kikitain sa sin tax.

Paigtingin din naman ng Department of Health ang kampanya na mailagay sa mga kaha ng sigarilyo ang mga photo ng mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Kung ipiprint sa kaha ng sigarilyo ang mga sakit gaya ng cancer sa baga, lalamunan, suso, dila, pisngi at iba pang smoking diseases, maaring matakot ang mga naninigarilyo at bitawan na ang nakamamatay na bisyo.

Suportahan ang HB 5727 para mailigtas sa pagkakasakit ang mamamayan at sa kabilang dako ay kikita rin naman ang bansa dahil sa buwis na ipapataw sa alak at sigarilyo.

Show comments